PAALAM, AMBASSADOR DANDING; RESKILLING, UPSKILLING SA MGA MANGGAGAWA

TATAK PINOY

BAGO po tayo dumako sa nilalaman ng ating kolum, hayaan n’yo po ang inyong lingkod na makapag-abot ng ating taos-pusong pakikiramay sa pamilya ni dating Ambassador Danding Cojuangco na pumanaw po noong Miyerkoles.

Marahil po, kilala ng nakararami si G. Cojuangco bilang isang perso­nalidad na pumailanlang sa kalakalan at politika. Pero iilan lang sa palagay  natin ang nakaaalam ng mga nagawa nitong serbisyo sa publiko sa pamamagitan ng kanyang mga cha­rity. Mga pagtulong sa mga higit na nangangailangan sa paraang hindi kinaila­ngang ipahayag sa publiko sa pamamagitan ng kamera at media..

Sa kanyang pagpanaw, dala ni G. Cojuangco ang magagandang bagay na ito sa kanyang patutunguhan.

Muli, tayo po ay nakikiramay sa mga inulila ni dating Ambassador Dan­ding Cojuangco.

Aminin man natin o hindi, hindi na talaga normal ang takbo ng ating pamumuhay sa ngayon. Kung maibabalik man sa dati, tiyak na may katagalan pa ‘yun dahil hanggang sa kasalukuyan, wala pa ring katiyakan kung kailan mawawala ang bangis ng COVID-19.

Dahil sa trahedyang ito na bumalot sa buong mundo, matinding hagupit ang inabot ng mga ekonomiya.

Dito sa bansa, mara­ming kompanya  ang nagsara at maraming ­manggagawa ang nawalan ng hanapbuhay.

Bago pa man tayo salantain ng COVID-19, marami na ang naghihikahos. Paano pa ngayong maraming empleyado na naapektuhan?

Nakalulungkot na nitong Abril lamang, umabot na sa 17.7 porsiyento ang datos ng ating unemployment. Ang katumbas niyan, higit 7 milyong manggagawang nawalan ng hanapbuhay dahil sa pandemya. Dahil nagsara ang mga pinapasukan nilang kompanya o kaya naman ay napilitang magbawas ng empleyado, ito ang naging resulta – paglobo ng unemployment rate.

Dito dapat mapagtanto ng mga kababayan natin na kailangan silang matuto ng mga bagong kaalaman o dagdag na kaalaman at skills na maaari nilang magamit sa bagong trabaho o kaya nama’y sa kanilang pagbabalik-trabaho. Ito na ang tiyak na magi­ging kalakaran sa ilalim ng new normal.

Napakahalaga po na mag-reskill at upskill ang ating mga maggagawa upang sa paghahanap ng trabaho, hindi man ang nakasanayang hanapbuhay ang mapasukan ay magkaroon sila ng pagkakataong mapalawak ang kanyang talento at muling kumita para sa pamilya.

Isinusulong po natin ngayon sa Senado ang SBN 1469 o ang National Digital Careers Act at ang SBN 1470 o ang National Digital Transformation Act upang kahit paano ay mu­ling umalagwa ang businesses natin, partikular sa kalakalang digital.

Sa ngayon po kasi, mas paborable sa nakararaming establisimiyento ang reskilling dahil bukod sa mabiis ang takbo ng trabaho, epektibo rin po ito at mas makagagaan sa mga manggagawang magbabalik-trabaho.

May mga kuwestiyon, paano raw kung magi­ging mas maliit ang suweldo? Posible po, pero ang mahalaga, may inaasahang pagkakakitaan ang mamamayan sa mga ganitong panahon na pinahihirapan pa rin tayo ng pan­demya ng COVID-19.

‘Di po tulad ng mga tradisyonal na trabaho, ito pong digital careers ay tiyak na hindi maluluma sa panahon. Kaya dapat, matutukan po ito at maging oportunidad sa mamamayan.

Tayo po ay makikipag-uganayan sa Department of Education at sa TESDA para sa mga kaukulang digital skills training para naman masigurong may dagdag kaalamang matutunan ang mga kababayan natin para sa mga bagong pagkakakitaan o hanapbuhay.

Ano-ano po ba ang digital careers na sinasabi natin? Nariyan po ang malalawak na oportunidad sa web development and design; online teaching and tutoring; content creation; digital marketing; mobile app development; search engine optimization; web research, business intelligence and data analytics; transcription and data entry; customer service and technical support, human resource management and systems; at medical coding, billing at iba pang health IT services.

Comments are closed.