PAANO ITATAYONG MULI ANG NEGOSYO KUNG TINAMAAN ITO NG KRISIS

homer nievera

KUMUSTA, ka-negosyo?

‘Di kaila sa iyo ang dami ng mga negosyong tinamaan ng kasalukuyang krisis pang-ekonomiya na dala ng pan­demyang COVID-19. Sa loob lamang ng halos tatlong buwang pagkaka-quarantine ng mga tao sa buong bansa, lalo na sa mga pangunahing siyudad, napadapa ng pandemya ang ekonomiya ng Filipinas.

Oo nga’t ‘di lang ekonomiya ang tinamaan, kundi ang marami ring kababayang namatay sa COVID-19 at ang libo-libong nagkasakit, gumastos, at nawalan ng trabaho.

Kung kasama ang negosyo mong tinamaan nang husto ng krisis at tila lugmok ka na, mayroon pang ilang paraan upang makabangon at makapagsimulang muli.

Narito ang ilang payo na aking maibabahagi sa inyo na kahit paano’y makatulong.

O siya, tara na at matuto!

#1 Mag-set ka ng mga bagong layunin o goals

Dahil na rin tayo’y nasa tinatawag na “new normal”,  kailangan nating mapunta sa “better normal” kung saan mas pagbubutihin natin ang ating layunin sa harap ng panibagong pakikipagsalamuha sa mga ­kostumer.

Tandaan na ang takot na mahawaan ng sakit na walang siguradong lunas at walang bakuna ay totoong nangyayari sa ngayon. Hanggang kailan ba ito? Walang nakakaalam. Lalo u na’t ang ibang mga maya­yamang bansa na malapit na diumano na makatuklas ng bakuna at lunas ay uunahin ang kanilang mga kababayan na mabigyan nito.

Ang dapat gawin ay ang mag-iba ng layunin gaya ng pagpapauna ng kalinisan at kaligtasan ng kostumer. Kung restwaran ka, halimbawa, pa­ngungunahan mo ang delivery kaysa dine-in. Kung may dine-in ka naman at 30% lang ang puwedeng nasa loob ng esta­blisimiyento, tiyak na mag-iiba ang operasyon mo.

Ang mahalaga ay maisunod mo ang lahat ng bagay ng naaayon sa itinatakda ng awtoridad at ang lubos na kaligtasan ng mga tao, kostumer man o empleyado. Pokus ka sa pagtayo mula sa pagkalugmok. ‘Yan agad ang pangunahin mong layunin.

#2 Kausapin mo ang iyong mga empleyado

Habang isinusulat ko itong pitak ko, inaalala ko ang pag-uusap namin ng isang kaibigan kung saan binigyan na lamang sila ng kompanyang pinagtatrabahuhan ng isang linggo bago sila magkaroon ng pansamantalang pagtigil ng trabaho  o temporary closure. Paano nga naman, wala halos nagbabayad ng pagkakautang sa kanila, sarado ang mga nagbebenta ng kanilang produkto, at iba pa. Kinausap sila ng management ukol sa sitwasyon nila.

Gayundin dapat ang gagawin mo. Kausapin mo ang mga empleyado mo at ibigay ang tunay na sitwasyon. Maiintindihan naman nila ‘yan, kahit gaano kasakit ang katotohanan ng sitwasyon ninyo.

Ang mas mahalagang rason kung bakit mo dapat kausapin sila ay upang makatulong sa pag­harap sa krisis.

Sa aming sitwasyon, ha­limbawa, kahit na nasa labas ng Filipinas ang aming negosyo, hirap din ang ang aming mga kostumer. Kanya-kanya sila ng paghingi ng diskuwento sa mga serbisyo at marami ang ‘di pa bumabalik bilang kostumer. Mga 30%-50% ang baba ng aming orders. Dito naman naging maagap ang aking mga kasamahan kaya nagpupursige sa pangongolekta at pagbebenta. Kasi nga, alam nila ang sitwasyon. ‘Di man kami nagsara, alam nila na ang krisis ay buong mundo. Ngayon pa lang, dapat umaksiyon.

#3 Pakinggan ang mga kostumer

Lahat ng apektadong lugar at negosyo ay napilitang magbawas ng taong nasa lugar ng trabaho, at 50%  ang work-from-home o nasa remote setup. Ang mga kostumer ngayon ay nasa kani-kanilang tahanan at nagtatrabaho.

Ano ang sagot mo sa ganitong sitwasyon ng iyong mga kostumer? ‘Di ba dapat mong dalhin sa kanila ang kanilang pangangailangan?

Ang aming kompanyang FAME na nakalinya sa teknolohiya ng komunikasyon ay bumaling sa paggawa ng mga tinatawag na SCB – specimen collection booth – na gamit sa mass testing sa mga ospital ng gobyerno. Kami ang nagdi­senyo ng mga booth na ito kasama ang DOST. Dahil umorder sila ng maraming unbit at alam naming ito ang kailangan sa ngayon ng kostumer, naibaling namin ang operasyon namin tungo rito.

Sa ngayon, disenyo naman ng ventilator at oxygen concentrator ang aming binabalak na gawin. Sagot ito sa mga kostumer dahil nakinig kami sa kanilang pangangailangan.

Ikaw, ano ang sinasabi ng mga kostumer mo? Kailangan mo na rin bang mag-pivot ng negosyo? Ano’ng mga bagay ang dapat mong gawin pa?

#4 Basahin at intindihin ang mga datos

Lalo na sa mga panahon ng krisis, lamang ang may alam. Wika nga ni Ernie Baron noong araw, “knowledge is power!”

Nagbabasa ka ba ng mga datos? Nagsasaliksik ka ba ukol dito na makaaapekto sa iyong negosyo? Tandaan mo na maraming datos ang makakalap mo at dapat mong ianalisa ang mga ito. Tingnan mo kung paano ito makatutulong na mapaangat ang iyong negosyo mula sa pagkakadapa.

Ayon sa datos ukol sa kasalukuyang pangangalakal, saan ito papunta? Oo, alam mong digital ang punta ng pag-market, halimbawa. Ngunit alam mo ba kung ano ang platapormang gamit ng kostumer mo para maabot mo sila? May mga datos ukol dito na puwedeng halukayin upang gumabay sa mga desisyon mo. Gawin mo na ito ngayon.

#5 Suriin ang mga resulta

Kung nagawa mo ang mga pagpapabuti para sa unang yugto ng patatayo mong muli, suriin mo ang mga resulta nito. Ayusin ang mga dapat pang ayusin kaagad. Huwag ipagpapaliban ang mga ito dahil mahalaga ang bawat oras lalo na sa panahon ng krisis.

Itong linggong ito, kinausap ko ang isang kaibigan na nawalan ng trabaho. Isa siyang eksperto sa marketing. Dahil kailangan ko ang kanyang kaalaman sa isang parte ng aking negosyo, nakipag-alyansa ako sa kanya. Ilang araw pa lang mula nang kami ay mag-usap, mayroon na agad magandang resulta ang kanyang nagawa. Dahil na rin lagi kong sinusuri ang mga datos kaya mabilis ang pagsasaayos ng mga bagay.

Ikaw, ka-negosyo, nasusuri mo ba agad ang mga resulta?

Konklusyon

Ang pagnenegosyo ay may halong hirap at saya. Ngayong mga panahong ito ang lubos na susubok sa iyong kakayahan at pananampalataya – sa sarili mo at sa Diyos.

Tandaan din, sa lahat ng bagay, dasal, tiyaga at tiwala sa sariling kakayahan ang kailangan upang magtagumpay, ka-negosyo!

oOo

Si Homer Nievera ay isang technopreneur. Magmensahe lamang sa email na [email protected] kung may mga katanungan.

Comments are closed.