PABLO SA F2 LOGISTICS: SANTIAGO-MANABAT SA AKARI

PATULOY ang rigodon sa Premier Volleyball League (PVL).

Nagpasya si Myla Pablo na lisanin ang Petro Gazz upang lumipat sa F2 Logistics para sa darating na bagong season.

Ang 29-year-old veteran open spiker ay galing sa championship run sa Angels, na naghari sa 2022 Reinforced Conference makaraang sibakin ang Cignal HD Spikers.

Si Pablo, dating National University stalwart, ay tumanggap ng iba’t ibang individual awards tulad ng 2021 Open Conference at 2022 Reinforced Conference 2nd Best Outside Spiker at itinanghal na 2018 Conference MVP.

Sa F2 ay palalakasin ni Pablo ang roster na kamakailan ay winelcome ang kanilang bagong coach na si Regine Diego, kasama sina veterans Kim Kianna Dy, Majoy Baron, Kim Fajardo, Ivy Lacsina, at Aby Maraño.

Ang Cargo Movers ay tumapos sa sixth sa nakalipas na Open Conference at nagpasyang hindi lumahok sa Invitational Conference. Tinapos nito ang 2022 bilang fifth placer sa season-ending Reinforced Conference.

Samantala, pumirma si Dindin Santiago-Manabat sa Akari Chargers para sa nalalapit na 2023 season ng Premier Volleyball League (PVL).

Inanunsiyo ng koponan ang kaganapan sa isang social media post nitong Biyernes, dalawang linggo lamang magmula nang lisanin ng veteran spiker ang kanyang longtime team Chery Tiggo.

Ang 6-foot-2 winger ay malaking tulong sa young Akari club, na lumahok sa liga nito lamang 2022 Reinforced Conference at tumapos na eighth sa siyam na kalahok na koponan.

Sa Akari ay sasamahan ni 29-year-old Santiago-Manabat ang mga youngsters na tulad nina Trisha Genesis, Lycha Ebon, Erika Raagas, Jho Maraguinot, at Dani Ravena at head coach Jorge Souza de Brito.