PLANO ng Sugar Regulatory Administration (SRA) na mag-angkat ng asukal para mapababa ang presyo nito kasunod ng pagbagsak ng produksiyon ngayong taon.
Ayon kay SRA administrator Hermenegildo Serafica, hanggang noong Hunyo 19, ang presyo ng raw (brown) sugar ay lumobo sa P54.15 kada kilo mula sa P47 noong Setyembre 2017, habang ang presyo ng refined sugar ay pumalo sa P64 kada kilo mula sa P53 para sa kahalintulad na panahon.
“This is one of the mechanisms para bababa ang presyo para sa consumers natin,” wika ni Serafica.
Aniya, ang local sugar production ay bumaba ng 15 percent ngayong buwan kumpara sa kaparehong panahon noong nakaraang taon.
Samantala, tumaas naman ang pangangailangan para sa raw at refined sugar ng 13.64 at 20.41 percent, ayon sa pagkakasunod, makaraang patawan ang mga inumin na pinatamis ng high-fructose corn syrup ng buwis na P12 kada litro sa ilalim ng Tax Reform for Acceleration and Inclusion (TRAIN) law.
“Nagkataon naman na ngayong taon na ito talagang bumaba ang production natin. Pero basically walang kinalaman ang TRAIN law sa pag-akyat ng presyo, ito talaga is the drop in production,” paliwanag pa niya.
Inaasahan namang hindi makaaapekto ang pag-angkat sa local sugar producers dahil ang panukalang 200,000 metric tons ay para lamang mapunan ang pagbaba ng supply.
Comments are closed.