PAG-UPO NI PRESIDENT-ELECT MARCOS BILANG DA SECRETARY PABORABLE SA AGRI SECTOR; PAGREPASO SA IMPLEMENTASYON NG K-12 NAPAPANAHON

NITONG mga nakaraang araw, nagpahayag si President-elect Ferdinand Marcos, Jr. na handa niyang pansamantalang pamunuan ang Department of Agriculture hanggang wala pa siyang napipisil na mamuno sa nasabing ahensiya.

Sa tingin natin, wala namang masama rito lalo’t napakalaki ng suliraning kinahaharap ng agrikultura, ng ating mga magsaasaka at ang food security.

Sa kasalukuyan, patuloy ang pagtaas ng presyo ng mga pangunahing bilihin, partikular ang pagkain na nararanasan hindi lang dito sa ating bansa kundi sa pandaigdigang merkado.

Ang desisyon ng susunod na pangulo na pangasiwaan ang DA, sa tingin natin, ay sinsero talaga siyang lutasin ang problema ng sektor ng agrikultura at para hindi na rin maging napakahirap para sa departamento na makuha ang suporta ng gobyerno, lalo na sa pondo.

Umaasa tayo na talagang mareresolba ang food crisis dahil ang pinaka-kawawa rito, ay yaong mga kababayan nating pinakamahihirap.

At sana, ‘yung mga ahensiyang nasasakupan ng DA, makipagtulungan sa punong ehekutibo na nangangasiwa sa kanilang lahat.

Sa Senado, marami naman sa ating mga kasamahan ang nagsabi na magandang hakbang ang desisyong ito ni President-elect Marcos dahil ipinakikita talaga niya na prayoridad niya ang agrikultura.

vvv

Tungkol naman sa panukala ni incoming President Marcos na rebyuhin ang implementasyon ng K-12, sang-ayon talaga tayo d’yan.

Sabi ko nga, ‘yung pangako ng programa na magkaroon ng maayos na Science track or Arts and Sports track para sa Grades 11-12, hindi nakikita iyan sa iba’t ibang bahagi ng bansa.

Isa ‘yan sa talagang dapat matutukan sa pagrebyu sa K-12 program. At siyempre, isa pang dapat pag-ukulan ng pansin, ‘yung pagpopondo d’yan sa programang ‘yan para mas maging maayos ang implementasyon.