PAGADIAN, ZAMBOANGA NANALASA SA VISMIN CUP

TULOY ang pagsadsad ng bigating Basilan BRT.

Laban sa home squad Pagadian, diskaril muli ang Basilan BRT sa 65-77 kabiguan sa pagpapatuloy ng elimination round ng Chooks-to-Go Pilipinas VisMin Super Cup Mindanao Challenge nitong Linggo ng gabi sa Pagadian City Gymnasium sa Zamboanga Del Sur.

Sumambulat ang Explorers sa third period sa naiskor na 20 puntos, habang nalimitahan ang Peace Riders sa 10 puntos para maitarak ang 56-42 bentahe tungo sa huling 12 minuto ng laro.

Nagawang makabangon ng Basilan, Mindanao leg champion sa inaugural season, sa pinakawalang 16-0 run para makadikit sa 63-66, may 3:01 ang nalalabi.

Sa krusyal na sandali, handa sina Judel Fuentes at Charles Pepito para maisalba ang  Explorers tungo sa ikalimang panalo sa 10 laro. Bagsak ang Basilan sa ika-anim na sunod na kabiguan matapos ang impresibong 3-0 simula.

Nanguna si Fuentes sa Pagadian na may 21 puntos, 10 rebounds, tatlong assists, at tatlong steals, habang tumipa si Edzel Mag-isa ng 17 puntos at kumana si Pepito ng 10 puntos at 10 rebounds.

Kumubra si Jorem Morada ng 14 puntos para sa Basilan.

Sa ikalawang laro, nalusutan ng Zamboanga Sibugay, sa pangunguna ni Shaq Imperial, ang Roxas sa overtime, 91-89.

Naipuwersa ng Roxas ang extra period sa 14-4 run sa final period, 83-all.

Sa overtime, dikitan ang laban, ngunit nangibabaw ang tikas ni Imperial para maibigay sa Sibugay ang panalo. EDWIN  ROLLON

Iskor:

Unang Laro

Pagadian (77) – Fuentes 21, Mag-isa 17, Pepito 10, Acaylar 7, Diaz 7, Ibanez 6, Uri 6, Pamaran 3, Dechos 0, Caballero 0, Demigaya 0, Saludsod 0.

Basilan (65) – Morada 14, Ferrer 11, Ansaldo 11, Daa 9, Panganiban 7, Albina 4, Luciano 3, Soliva 2, Salim 2, Solis 2, Sallidin 0, Goloran 0, Bulac 0.

QS: 21-18, 36-32, 56-42, 77-65.

Ikalawang Laro

Zamboanga Sibugay (91) – Imperial 20, Mantilla 19, Tayongtong 11, Octobre 11, Camacho 10, Sorela 7, Gayosa 6, Arong 3, Bangcoyan 2, Dumapig 2, Acain 0, Pasia 0, Albrecht 0.

Roxas (89) –  Martinez 15, Abanto 15, Bonleon 14, Monte 13, Segura 9, Templo 8, Dela Cruz 6, Tabi 5, Mabigat 3, Valin 1, Basco 0.

QS: 16-26, 40-42, 63-63, 83-83, 91-89.