PAGBULUSOK NG PHILIPPINE RANKING BANTA SA EKONOMIYA

ITINUTURING na seryo­song isyu at banta sa ekonomiya ng isang financial analyst ang naitalang pagbulusok ng ranking ng Pilipinas sa World Competitiveness Yearbook 2018.

Mula kasi sa dating pang-41, bumagsak ang Pilipinas  sa 50th spot, mula sa 63 nakatala sa nasabing competitive ranking

Sa 2018 World Competitiveness Yearbook, bumaba ng siyam na puwesto ang Pilipinas  na kinokonsiderang pinakamalalim na pagbulusok sa hanay ng Southeast Asian nations kung saan lumalabas ang  Malaysia ang siyang regional leader.

Ang  Philippine  ranking ay bumagsak sa sinasabaing apat na indicators: economic performance, government efficiency, business efficiency at  infrastructure. Ang nasabing report ay inilabas ng Asian Institute of Management.

Sinasabing kahit na kabilang ang Pilipinas sa tinutu­ring na isa sa mga bansang may fastest economic growth rates sa  Asia, ang kasaluku­yang current account deficit, o ang  difference sa pagitan ng imports and exports ay dumoble mula 2016 hanggang 2017, ayon pa sa ulat.

Ayon kay financial analyst Astro del Castillo, silang nasa pribadong sektor ay umaasa sa mabilis na pagkilos ng gobyerno para mabawasan ang maaaring negatibong impact nito sa ating ekonomiya.

Paliwanag ni Del Castillo, ang pagbaba ng ranking ay maaaring mangahulugan ng pagbaba ng interes ng ilang investor para maglagak ng puhunan sa  Pilipinas.

“Kagulat-gulat at mala­king balita po ‘yan. Kami sa pribadong sektor ay hindi halos makapaniwala sa laki ng ibinaba natin. Sana maipaintindi natin sa foreign investors ang ginagawa natin para magpatuloy ang pagpasok ng investments,” wika ni Del Castillo.

Pero nilinaw nitong walang direkta at agarang epekto ang pagbaba ng ating level sa World Competitiveness Yearbook.

Samantala, sinasabing  kailangan ng gobyernong Duterte na mag-invest sa  social infrastructure, hindi lang sa physical infrastructure gaya ng nakalatag sa kanilang  “Build, Build, Build” program.

Sinasabing bumaba ang business efficiency dahil sa kakulangan sa  competitiveness in terms of labor, management practices, and attitudes and values.

Ang mga nasa unang sampung puwesto ay ang Amerika, sinundan ng Hong Kong, Singapore, Netherlands, Switzerland, Denmark, UAE, Norway, Sweden, at Canada.   VERLIN RUIZ

Comments are closed.