(Pagpapatuloy…)
Sinuman ang uupong mga lider ng bansa ay may dala-dalang mabigat na responsibilidad.
Pasan-pasan nila ito sa kanilang mga balikat kaya’t umaasa tayong lahat na sapat ang kanilang lakas, kahandaan, at kabutihan upang madala ang buong Pilipinas tungo sa kaunlaran.
Hindi na kaya ng bayan ang magkaroon ng mga tiwali at mahinang lider. Kung magkakagayon man, malalagay tayong lahat sa alanganin.
Kaya’t kung sinuman ang ibinoto o ikinampanya mo, si BBM man ito o si Leni, at iba pa, iniimbitahan kitang maging mapagmatyag at magbukas ng iyong isipan. Maging matalinong mamamayan tayo ng bansa.
Ang dami na nating nasaksihan, sana ay matuto na tayo sa ating mga pinagdaanan. Huwag tayong maging bulag na tagasunod ninuman, kundi isang matatag na tagapagtanggol ng bayan at masipag na bantay ng kinabukasan ng ating mga anak.
Anuman ang kinakailangan upang tayo ay maghilom at mabuong muli ang mga nasirang relasyon, nawa’y maging bukas tayo para rito. Kung tunay ang ating pagmamahal sa bayan, sa palagay ko naman ay iisa lamang ang gusto nating lahat. Malaki ang hinihingi sa atin ngayon, at malalaki rin ang mga pagsubok na naghihintay sa mga susunod na araw. Hindi makakatulong kung tayo ay pahihinain ng pagsisisi, galit, pagkadismaya, kayabangan, at poot.
Hindi lamang nasa kamay ng ating mga lider ang kinabukasan ng ating bansa, nasa kamay rin natin ito.
Sana ay maging simula ito ng sama-sama nating paghilom at umpisa ng ating pagtutulungan upang maiahon natin ang bawat isa at ang ating bansa.
Tayong lahat ay Pilipino, tumindig tayo bilang isang lahi.