TUTOL ang Department of Interior and Local Government (DILG) sa panukalang ibalik sa Department of Education (DepEd) ang kapangyarihan ng pagkakansela ng klase sa tuwing masama ang panahon.
Ayon kay DILG Undersecretary Epimaco Densing III, hindi maaaring ibalik sa DepEd ang pagdedesisyon sa suspensiyon ng klase dahil ang mga lokal na pamahalaan ang mas nakaaalam ng sitwasyon sa kanilang lugar.
Sinabi ni Densing, na tungkulin ng Local Disaster Risk Reduction Councils na pinamumunuan ng mga alkalde ang pagdedeklara ng kanselasyon ng klase batay sa sitwasyon ng pag-ulan, pagbaha at tiyansa ng landslide sa kanilang mga nasasakupan.
Nag-ugat ang panukalang ibalik sa DepEd ang kapangyarihan ng pagsususpende ng klase dahil sa mga huli nang pagdedeklarang walang pasok ng ilang lokal na opisyal.
Gayunman, sinabi ni Densing na dapat idinedeklara ang suspensiyon ng klase bago ang alas-4:30 ng madaling araw para sa pang umagang klase habang bago ang alas-11:00 ng umaga para sa panghapong klase.
Babala ni Densing, maaaring kasuhan ng administratibo ang mga tatamad-tamad na lokal na opisyal dahil sa hindi pagtupad ng mga ito sa batas. DWIZ882
Comments are closed.