PAGKILALA KAY VELASCO, PSI BOARD BINAWI NG FINA

BINAWI NG FINA (Federation Internationale de Natation), ang world governing body para sa swimming, ang pagkikila nito sa mga miyembro ng Philippine Swimming Inc. (PSI) board at bumuo ng isang stabilization committee na mangangasiwa sa day-to-day operations ng PSI.

Binigyang-kapangyarihan din ng FINA ang stabilization committee na “magsagawa ng nararapat at kinakailangang amendments sa [PSI] Constitution at mag-organisa at magsagawa ng bagong eleksiyon.”

Ang direktiba ng FINA na may petsang December 3 ay nilagdaan ni international federation’s executive director Brent Nowicki at ipinadala sa pamamagitan ng email kay PSI president Ma. Lailani “Lani” Velasco, gayundin sa Philippine Olympic Committee (POC) at Philippine Sports Commission.

Ang kautusan ng FINA ay “effective immediately.”

“The FINA Bureau discussed various complaints received by the FINA Office concerning matters of inter alia poor governance principles within your National Federation,” nakasaad sa memo ng FINA. “For this reason, and as a matter of last resort, the FINA Bureau has confirmed the implementation of a Stabilization Committee, as set out in C 10.6 of the FINA Constitution.”

Nakasaad sa Article C 10.6 ng FINA Constitution na, “The Bureau may under exceptional circumstances appoint a stabilization committee to the extent the executive body of a member fails to adhere to practices of good governance, transparency, financial accountability and stability, participation in FINA events, or puts at risk the organi[s]ation and development of Aquatics in their country.”

Hinirang ng FINA sina POC legal head Atty. Wharton Chan at deputy secretary general Valeriano “Bones” Floro at Bases Conversion Development Authority senior vice president Arrey Perez bilang mga miyembro ng komite.

Ang desisyon ng FINA ay nag-ugat sa iba’t ibang reklamo na natanggap nito mula sa stakeholders sa Philippine swimming, kabilang ang isa mula sa isang magulang na ang swimmer-daughter ay nagwagi ng gold sa Hanoi Southeast Asian Games noong nakaraang Mayo ngunit hindi isinama sa national team na sumabak sa Budapest world championships noong nakaraang Hunyo.

Sumang-ayon na ang PSI sa direktiba ng FINA noong 2018 na amyendahan ang by-laws nito ngunit hindi nakinig sa international federation (IF). Iginiit ng IF ang naturang direktiba makaraang magdaos ang PSI ng eleksiyon noong nakaraang Abril subalit wala pa ring nangyari.

“This verdict just came down from the IF [FINA],” sabi ni POC president Rep. Abraham “Bambol” Tolentino, na inihalintulad ang suliranin ng PSI sa naranasan ng karate, volleyball at tennis associations.

Naresolba na ang krisis sa karate at volleyball leadership, ngunit ang Philippine Tennis Association ay nananatili sa ilalim ng isang POC caretaker committee.

“We’ll be heeding the IF instruction with the POC putting premium on protecting the athletes,” dagdag ni Tolentino.