ANG KOLUM po nating ito ay nais po sana nating makarating sa mga kinauukulang bangko at sa mga nagpapatakbo ng mobile payment systems.
Hanggang ngayon po, nasa pandemya pa rin tayo. Sabihin man nating unti-unti nang nagbubukas ang ating mga negosyo, industriya at unti-unti nang bumabangon ang ekonomiya, hindi pa rin ito sapat upang maging normal ang estadong pinansiyal ng mas nakararami sa atin.
Kaya pakiusap po sana natin sa ating mga bangko at sa mobile payment systems, palawigin ang pagpapatupad ng waiver on fees sa mga digital transaction. Kaunting pang-unawa po muna sana.
Bagaman marami na po sa mga bangko at online payment systems natin ang tumalima rito, patuloy pa rin po tayong mananawagan para makarating pa rin po sa iba.
Tayo po ay may isinulong na panukala ngayon sa Senado – ang Senate Bill 1764 na naglalayong ipatupad ang digital payments sa mga financial transaction sa gobyerno at sa mga pribadong tanggapan. Sa pamamagitan po nito, mas magiging mahusay ang sistema, mas magaan sa bulsa at higit sa lahat, hindi tayo kailangang magkaroon ng physical presence at malalayo tayo sa posibleng impeksiyon.
Ito pong panawagan nating ito ay dahil sa pahayag nga po ng ilang bangko at mobile money services na bawiin na ang waiver sa collection of fees. Ito ay sa kabila ng pakiusap sa kanila ng Bangko Sentral ng Pilipinas na palawigin muna ang waiver.
Bukod sa ligtas sa health hazards ang digital payments, suportado po natin ang waiver dahil makagagaaan po ito sa mga pasanin ng mga kababayan natin sa mga ganitong panahon. Hindi pa po tapos ang pandemya, kaya sana, lawakan din natin ang pang-unawa natin.
Sa panahong ito, mas marami po sa mga kababayan natin ang halos ayaw na gumastos dahil gusto nga nilang matipid ang kung magkanong halaga na mayroon sila. Ang mga mahihirap na pamilya, hindi na magkandaugaga sa pag-iisip kung paano nila matitipid ang bawat piso para huwag silang mawalan ng panggastos. Kaya pakiusap po natin sa mga bangko at iba pang financial institutions, ikonsidera muna ang estadong pinansiyal ng mga kababayan natin na may financial transactions sa kanila.
Usapang pangkabuhayan pa rin po – hindi po kaila sa ating lahat, napakarami sa ating mga kababayan ang nawalan ng trabaho dahil sa salot na COVID-19.
Karamihan pa po sa kanila, mga umaasa lang sa maliit na kita o kung ‘di man, ay yaong mga kumikita lang kapag may nangailangan sa kanilang serbisyo.
Isa po sa mga apektado ang mga artist natin – ‘yung ating magagaling na pintor. Kaya mananawagan naman po tayo sa ating National Commission for Culture and the Arts (NCCA) at sa iba pang ahensiya ng gobyerno na tulungan sila at bigyan ng pagkakakitaan sa mga panahong ito.
Nung dininig po ng ating komite, ang Committee on Finance, ang budget proposals ng cultural agencies natin sa Senado nitong nakaraang linggo, sa pangungunga nga po ng NCCA, ipinahayag natin ang kasalukuyang programa ng MMDA sa Pasig River rehabilitation.
Ito po kasing MMDA, para mas mapaganda pa ang kanilang proyekto, kinuha nila ang serbisyo ng mga pintor natin upang pintahan ang murals at river banks ng Ilog Pasig.
Kaya hiniling po natin sa NCCA na kung maaari, magrekomenda pa sila ng mga dagdag na artists para kahit paano, makatulong din ito sa kanilang kita. Apektado po talaga ang kabuhayan nila ngayong pandemya, kaya sa ganitong paraan man lamang po, may pagkakitaan din sila mula sa komisyon sa MMDA.
In fairness naman po sa NCCA, patuloy sila sa pagtulong sa libo-libong artists natin na nawalan ng trabaho dahil sa pandemyang ito. Katunayan, nito nga pong Agosto, nagkaloob sila ng one-time cash assistance na mula P5,000 hanggang P10,000 sa mga freelance artist na walang natatanggap na regular compensation.
Ang dami nating magagaling na artists na nasasayang lang ang talento dahil sa pandemyang ito kaya tulungan natin sila.
Comments are closed.