May hatid na kasiyahan sa puso ang ningning ng mga ilaw pagsapit ng pasko. Dama ang liwanag sa kapaligiran kapag dahan-dahang nagtatago na ang sinag ng araw.
Ang mga palamuti na sumasagisag sa Kapaskuhan ay pinaghahandaan ng mga kilalang bayan at lugar sa Pilipinas. Nangunguna ang mga simbahan, malls, park, mga kilalang gusali sa sentro ng negosyo at malalaking kalsada sa mga syudad sa kamaynilaan at karatig bayan.
Sa bayan ng San Fernando, Pampanga, tinaguriang Christmas Capital ng bansa ang “Giant Lantern Festival” na lalong kilala bilang Ligligang Parul sa mga Kampampangan na ginaganap tuwing bisperas ng Pasko ay isang malaking atraksyon sa mga turista. Mayroon ding kompetisyon sa mga naggagandahang parol na masisilayan ng madla.
Ang Baguio CIty, kilala bilang “Winter Wonderland,” ay sikat na destination gawa ng malamig na klima kapag Disyembre. Ang iba pang malalamig na lugar sa bansa ay nagiging paboritong destinasyon ng mga Pilipino tuwing kapaskuhan, nariyan ang Sagada, Atok, Benguet, Mount Pulag at Tagaytay.
Kung ang hangad ay hindi mataong lugar, magandang pasyalan ang Dumaguete, Negros Oriental. May kakaibang ningning din ang hatid sa baybay gawa ng pagiging malikhain ng mga taga-Dumaguete.
Isang magandang pasyalan ngayon sa Maynila ay ang mga nagagandahang liwanag sa Pasig River Esplanade. Magandang tanawin ng mga nagkikislapang disenyo at lampara sa mga poste sa gilid ng Pasig River.
Banggitin lamang ang Policarpio, batid ng iba na ito ay kilalang lugar na nangniningning na kabahayan sa Mandaluyong sa gabi, nakaakengganyo ngang pasyalan sa pagsapit ng dilim.
Kumukutitap din ang liwanag sa malalaking lansangan sa Makati katulad ng Ayala Ave. at Gil Puyat Ave., sa Pasig City, sa mga pangunahing lansangan katulad sa Ortigas Ave., Shaw Blvd at C. Raymundo Ave. Pero kung ang motorista ay magagwi sa Barangay De la Paz sa Pasig CIty, masaya ang hatid na liwanag ng asul at puting kulay na madaraanan.
Kahit nagmumukhang maliit na ang gusali ng Meralco hindi magpapadaig ang tradisyong magbigay ng liwanag at saya tuwing kapaskuhan. Kahit sila ay napapaligiran na ng naglalakihang gusali, iba ang liwanag na hatid ng Meralco.
Maging ang mga pamantasan at kolehiyo ay nagpapakita ng makukulay na ilaw at disenyo kapag kapaskuhan, pinaka-aabang ng lahat ang UP Lantern Parade sa Diliman Campus. Ito ang Pag-iilaw 2024 na nagpapakita ng pagiging malikhain, kultura at pagkakaiba-iba ng mga parol sa komunidad ng UP Diliman.
Ang apat na kandila sa Advent Wreath ay kumakatawan sa liwanag ni Kristo sa kanyang pagdating. Sa pagsisindi ng kandila sa Advent o Pagdating, ang unang Linggo ay ang pagsisindi ng kandilang lila na sagisag ng pag-asa. Ito ay kilalang Prophecy Candle.
Ang ikalawang Linggo ay ang pagsisindi ng una at ikalawang kandilang lila, na kilalang Bethlehem Candle at sumasagisag sa kapayapaan. Ang ikatlong linggo ay ang pagsisindi ng una at ikalawang kandilang lila at ang ikatlo ay kulay rosas na kilala bilang Shepherd’s Candle na sumasagisag ng kagalakan. Ang ika-apat na Linggo ay ang pagsisindi na ng lahat na kandila, ang ikahuling kandila ay ang Angel’s Candle na sumasagisag sa pag-ibig.
Sa ibang lalawigan katulad ng Batangas, buhay pa ang tradisyon na Panunuluyan o Pananapatan, ang paghahanap na matutuluyan nina Jose at Maria biglang paghahanda sa pagsilang ni Hesus, magwawakas ang paghahanap at hahantong sa simbahan.
Sa simula naman ng Simbang Gabi hindi maihihiwalay ang liwanag na naibibigay ng Belen malapit sa altar ng simbahan, lalo na kapag ang liwanag ay nakatuon sa sanggol na si Hesus. Tunay na isa sa dinarayo ng mga mananampalataya sa loob ng simbahan ang Banal na Mag-anak.
Ang liwanag tuwing kapaskuhan ay pagpapatuloy ng ningning sa puso ng bawat Pilipinong nananatiling may bagong pag-asa mula sa pagdiriwang ng pagsilang ni Hesus at pagdating niya sa bawat tahanan ng Pilipinong nag-aalab ang pagmamahal, pagtulong sa kapwa at punung-puno ng pasasalamat sa nakamit na biyaya sa taong 2024.
May hatid na liwanag ang kapaskuhan, may inaasam na pagbabagong matatamasa sa pagsapit ng taong 2025.
– RIZA ZUÑIGA