PAGPUPUGAY SA MAAYOS NA PAMAMAHALAA NI MAYOR JEANNIE SANDOVAL SA MALABON CITY!

HINDI maitatanggi na sa gitna ng mga hamon at pagsubok na hinaharap ng bawat lokal na pamahalaan, ang lungsod ng Malabon ay patuloy na tumatatak bilang huwaran ng tapat at mahusay na pamamahala sa ilalim ng pamumuno ni Mayor Jeannie Sandoval.

Ang pagkakatanggap ng LGU ng “qualified opinion” sa Annual Audit Report ng Commission on Audit (COA) para sa taong 2023 ay isang malinaw na patunay ng kanilang walang humpay na pagsisikap at dedikasyon sa paglilingkod sa mga mamamayan ng Malabon.

Hindi ito isang simpleng parangal. Ito ay isang makabuluhang indikasyon na ang pamahalaang lungsod, sa pangunguna ni Mayor Sandoval, ay nagpapatupad ng mga programa na alinsunod sa pinakamataas na pamantayan ng accountability at transparency.

Ayon kay City Administrator Dr. Alexander Rosete, ang tagumpay na ito ay sumisimbolo sa pagkakaisa at pagtutulungan ng bawat Malabueño tungo sa isang mas maunlad na lungsod.

Isa sa mga natatanging programa na ipinagmamalaki ni Mayor Sandoval ay ang Malabon Ahon Blue Card (MABC). Simula nang ilunsad ito noong Disyembre 2022, ang MABC ay nagsilbing pangunahing instrumento sa pagbibigay ng tulong sa mga residente ng Malabon.

Sinasabing sa kasalukuyan, mahigit 83,000 pamilya na ang nakinabang sa programang ito, na patuloy na nagbibigay ng ayuda para sa kanilang pang-araw-araw na pangangailangan.

Bukod pa rito, ang lokal na pamahalaan ay nagpatupad ng mga inisyatiba sa pabahay tulad ng St. Gregory Homes. Sa pamamagitan nito, mahigit 500 pamilya na dating nakatira malapit sa mga delikadong daluyan ng tubig ang nabigyan ng ligtas at de-kalidad na tirahan. Ang mga proyektong ito ay nagpapakita ng malasakit ng pamahalaang lungsod sa kaligtasan at kapakanan ng bawat residente.

Ang dedikasyon ni Mayor ay kinilala rin ng RP Mission and Development Foundation Inc., kung saan siya ay hinirang bilang top performing mayor sa NCR. Ang kanyang 88.7 percent job performance rating sa “Boses ng Bayan” survey ay isang patunay ng kanyang epektibong pamumuno at walang sawang serbisyo para sa ikabubuti ng Malabon.

Ang mga tagumpay na ito ay hindi lamang nagpapakita ng kasalukuyang kalagayan ng Malabon kundi nagbibigay rin ng pag-asa para sa mas maliwanag na kinabukasan. Ang pangako ni Mayor Sandoval na ipagpatuloy at higit pang pagbutihin ang pamamahala ng pampublikong pondo ay nagbibigay ng katiyakan na ang bawat Malabueño ay makikinabang sa mga programa at proyektong inilaan para sa kanila.

Tunay na ang pagkakaisa at pagtutulungan ng pamahalaan at ng mamamayan ay patuloy na magbubunga ng isang lungsod na tapat sa serbisyo at handang harapin ang mga hamon ng hinaharap.

Ang Malabon, sa pamumuno ni Mayor Sandoval, ay tunay na isang halimbawa ng mahusay na pamamahala na dapat pamarisan ng iba pang lokal na pamahalaan.