NGAYONG wala na ang pandemya kitang-kita ang pananabik ng mga Pilipino na halos lahat ay nagtutungo sa mga lalawigan upang makapamasyal at makapagpahinga sa tuwing may mahabang bakasyon.
Karamihan sa Pilipino ay nagpupunta sa mga sikat na destinasyon sa norte gaya ng mga beach resort sa Zambales at Pangasinan, mga surfing resort sa La Union, mga magagandang parke sa Baguio, at mga makasaysayang tanawin sa Ilocos Sur at Ilocos Norte. Kalimitan ang mga destinasyon na ito ay mapupuntahan sa pamamagitan ng North Luzon Expressway o NLEX.
Bagama’t malaking hamon na mapanatiling maayos ang kalidad ng imprastraktura’t serbisyo ng nasabing expressway, patuloy din naman ang pamunuan ng NLEX Corp. sa pamumuhunan nito para magpatupad ng iba’t ibang proyektong naglalayong mas maisa-ayos ang kalidad ng daan at ang customer experience ng mga motorista.
Kaya naman, magiging malaking tulong din sa pamunuan ng NLEX ang pinahintulutang dagdag-singil ng Toll Regulatory Board o TRB para maisakatuparan ang mga nakaplanong proyekto nito gaya ng pagsasa-ayos ng mga daan at pag-modernize ng mga toll collection system nito.
Pinahintulutan ng TRB ang NLEX na magtaas ng singil simula ika-15 ng Hunyo. Sa ilalim ng bagong toll fee matrix, ang mga Class 1 vehicle ay magbabayad ng dagdag na Php7, Php17 sa Class 2 vehicles at Php19 para sa Class 3 vehicles. Ang bagong rates ay bahagi ng pinapayagang period adjustments ng NLEX mula 2012, 2014, kalahati ng 2018 at 2020, at ngayong 2023 ang ika-apat at panghuling tranche ng adjustments.
Sa isang panayam, sinabi ni Rogelio L. Singson, Metro Pacific Tollways Corp. President and CEO, na makasisiguro ang mga motorista na magkakaroon ng mga pagsasa-ayos ng kabuoang imprastraktura at maging sa kalidad ng serbisyo nito.
Bibigyang prayoridad ng NLEX ang mga proyektong tutugon sa ilang chokepoints o mga lugar na kung saan madalas bumibigat ang daloy ng trapiko. Pina-plano ng NLEX na magtayo at mapatupad ang mga multi-lane barrier-less system sa kabuoan ng expressway. Inaasahang bibilis ang daloy ng trapiko ng halos 30 porsyento. Kabilang din sa plano ang pag-expand o pagpapalapad ng mga daan sa mga entry at exit point na kadalasan ay napupuno ng mga sasakyan.
Bagama’t malaking balakid din ang pagkuha ng Right-of-Way (ROW) sa planong pag-expand ng ilang natukoy na mga exit at entry point, patuloy din naman na nakikipag-ugnayan ang NLEX sa mga lokal na pamahalaan at pinapayuhan ang mga ito na ipa-ubaya sa pamahalaan ang mga road widening projects na malapit sa mga entry at exit point ng NLEX. Sa ganung paraan, ang budget at maging ang pamamahala ng mga daan na ito ay mapapasailalim sa Department of Public Works and Highways o DPWH.
“Admittedly, hindi biglaan ang mga magiging pagbabago sa NLEX matapos itong dagdag-singil. Madami pang dapat ayusin sa mga daan at maging sa aming toll collection system, pero ipinag-utos na din ni Mr. Manny Pangilinan, ang aming chairman, na gawin na namin kaagad ang lahat ng ito sa lalong madaling panahon,” ani Singson.
Pero mas nakapagtataka rin na madaming kritiko ang ngayon ay tila nagulat sa pinahintulutang dagdag-singil, samantalang ang bawat pagtaas ay naka-programa na base sa kasunduan ng NLEX at gobyerno. Sa ilalim ng kasunduan nito sa gobyerno, pinapayagan ang NLEX maghain sa TRB ng petisyon para sa dagdag-singil kada dalawang taon.
Kung tutuusin hindi na din mabigat sa bulsa ang dagdag-singil gayung inutay-utay na din ng NLEX at TRB ang pangongolekta nito na dapat ay noong 2012 pa. Kaya sa isang banda, win-win na din ito para sa lahat ng Partido gaya ng TRB, NLEX at maging ng mga motorista.
Sa katunayan malaki na din ang naitulong ng mga naging pagsasa-ayos sa NLEX mula ng pinangunahan ng MPTC ang pamamahala nito. Naging malaking tulong ito sa mabilis na pag-unlad ng mga rehiyon sa norte at maging ng buong bansa. Nakatulong na ito sa paglago ng ekonomiya at maging sa ng mga negosyo at industriya sa mga probinsyang kinalulugaran ng NLEX.
Hindi na din matatawaran ang malaking pinagkaiba ng NLEX ngayon kumpara noong araw. Mas mabilis at komportable na din bumiyahe papunta ng norte dahil sa pagtayo ng iba’t ibang establisyimento kung saan pwede magpahinga o kumain ang mga motorista.
Kaya naman, makasisiguro ang mga motorista na patuloy na namumuhunan ang MPTC upang mapanatili ang kalidad ng daan ng NLEX, maibsan ang trapiko at mabawasan ang pagpila, mapabuti ang mga pasilidad at serbisyo nito, at matiyak ang kaligtasan ng mga motorista.