PAGKAKATAONG kumita, isa nga naman ito sa naidudulot sa atin ng Pasko o holiday. Bukod nga naman sa makapagba-bonding tayo kasama ang pamilya, maaari ring gamitin natin ang okasyon para magsimula ng maliit na negosyo.
Napakarami nga namang puwedeng simulang negosyo ngayong magpapasko. Ilan sa negosyong puwedeng subukan kahit na nasa bahay lang ay ang pagbebenta online ng mga damit at gamit. Usong-uso nga naman sa panahon ngayon ang online shopping lalo’t marami sa atin ang walang panahong magtungo sa mall. Sa rami nga naman ng trabahong kailangang atupagin ay nawawalan na ng panahong mamili o mag-shopping. Kaya’t swak ang pagbebenta online para kumita.
Bukod sa pagbebenta sa online, mainam din ang pagbe-bake o pagluluto ng iba’t ibang dessert o panregalo gaya ng cookies, macaroons, cupcakes at kung ano-ano pa.
Kaya kung mahilig ka ring magluto at mag-bake ay subukan ang nasabing negosyo. Maaari rin namang magamit mo ang iyong kakayahan sa paglilinis at pagpapaganda ng tahanan. Marami ang naghahanap ng makatutulong sa kanila sa pagdedekorasyon ng tahanan. Kung may kaalaman ka sa nasabing gawain, puwede mo itong subukan.
At dahil napakaraming puwedeng simulang negosyo ngayong magpapasko, narito ang ilan sa dapat o kailangang isaalang-alang nang makapagsimula:
ALAMIN ANG PRODUKTO AT SERBISYONG NAIS UMPISAHAN
Ano ang iyong nais na ibenta? Ano ba ang serbisyong nais mong ihandog sa marami? Ano ba ang sa tingin mong negosyo ang papatok? Sino ba ang tina-target mong parokyano?
Halimbawa ay damit ang nais mong ibenta, dapat ay salikop mo ang kahit na sino. Kumbaga, hindi lamang dapat pambata kundi mayroon ding pang-teenager at matatanda. mas mainam din kung swak sa lahat ng kasarian para maging one-shop stop ang iyong online business.
Alamin din ang mga uri o estilo ng damit na patok at iyon ang i-offer sa mga mamimili.
mainam din ang pagre-research at pagtatanong sa kapamilya at kaibigan sa kung ano ang patok at madaling ibenta.
Mag-isip din ng kakaibang maio-offer sa mamimili na sa tingin mo ay kanilang maiibigan.
MAG-ISIP NG PANGALANG TATATAK SA CUSTOMER
Hindi rin naman tatakbo o masisimulan ang isang business kung wala itong pangalan. Sa totoo lang ay kayhirap mag-isip ng swak na pangalan ng isang business. Hindi lang din kasi ganda ang kailangan nating isaalang-alang. Dapat ay madali itong matatandaan. Kailangang tatatak agad ito sa isip ng customer.
Kaya matapos na mapag-isipan ang produkto at serbisyong nais simulan gayundin ang tina-target na mamimili. masusi ring pag-isipan ang pangalan ng iyong itatayong business. Napakahalaga ng pagkakaroon ng swak na pangalan ng business para tumatak ito sa customer at kumita ka.
SIGURADUHING MALINAW ANG WEBSITE NA GAGAWIN
Kung magbebenta ka sa online ng mga damit at gamit, importante rin ang paggawa ng website. Paano nga naman makikilala ang iyong negosyo kung wala kang website.
Sa paggawa naman ng website, siguraduhing malinaw ang nakasaad doon. dapat din ay kompleto ang mga impormasyon. At higit sa lahat, tiyaking nakasasagot ka lalo na kapag may nagtatanong tungkol sa iyong business.
Kung wala namang budget, swak ding gamitin ang Facebook at Instagram para masimulan ang iniisip na mapagkakakitaan.
I-manage lamang ito nang maayos at gawing personalized, engaging at socially communicative.
MAGHANAP NG MAPAGKAKATIWALAANG SUPPLIER
Importante rin siyempre ang supplier. Sa paghahanap naman ng supplier, siguraduhing mapagkakatiwalaan ito at hindi mga bogus.
Maaari kang magpatulong sa mga kaibigan at kamag-anak sa paghahanap. Siguraduhin din ang magandang relasyon sa supplier dahil ito ang makatutulong ng malaki sa iyong itatayong negosyo.
PAG-ISIPAN ANG PAYMENT OPTIONS
Importante ring mapag-isipan ang payment options. May ilan na ayaw na ayaw ang maglagay ng impormasyon gaya ng card number at kung ano-ano pa sa online.
Kaya isang magandang option na tinatangkilik ngayon ng marami ay ang cash on delivery. Siyempre, mahirap din kasing magbayad nang wala pa sa kamay ng customer ang item o produktong kanyang binibili. Hindi naman mawawala ang pag-aalangan. Paano nga naman kung manloloko ito.
Kaya’t nakakampante ang ilan sa cash on delivery. Puwede mo itong isaalang-alang at pag-isipan.
Pangalawa ay ang meet-ups. May ilan na mas gusto ang meet-ups para makilala ang bumibili maging ang nagbebenta. Maganda rin naman ito lalo pa’t isang paraan para magkakilalang mabuti na maaaring humantong sa magandang relasyon.
Masarap ang magnegosyo. Lahat nga naman ay nag-aasam na magkaroon ng sariling mapagkakakitaan lalo’t tila lalong humihirap ang buhay sa panahon ngayon. Ngunit napakaraming kailangang isaalang-alang nang makatayo ang business na nais mong simulan. Napakaraming kailangang pag-aralan. Hindi rin lahat ng negosyong sisimulan ay masasabi nating tatayo. May ilan na maaaring bumagsak.
Gayunpaman, kung matiyaga ka at buo ang loob mo sa sisimulang negosyo, lahat ng problemang maaaring kaharapin ay tiyak na iyong malalampasan.
Maging matiyaga lang, mapagpasensiya at madiskarte. CT SARIGUMBA
Comments are closed.