PAKIKIPAGSAPALARAN NG PILIPINO SA DIGITAL WORLD

SA PAGTATAPOS ng 18th Congress, sabihin mang talagang pinahirapan tayo ng pandemya, masasabi rin naman nating marami ang nagawa sa mga panahong ito para maresolba ang mga problemang dala ng krisis.

Bilang chairman ng Senate Finance committee, siniguro natin ang agarang pagpasa ng national budget, bagaman tiniyak din nating dumaan ito sa masusing pagsusuri ng dalawang kapulungan ng Kongreso, lalo na ng Mataas na Kapulungan. Pinakamahalaga sa lahat ay ang pagpasa ng mga batas na naging sagot sa suliranin natin sa COVID-19, partikular ang bakuna, mga ayuda tulad ng fuel subsidies at ibang tulong nang hindi naaapektuhan ang iba pang programa o proyekto ng gobyerno.

At bilang chairman din ng Committee on Youth, pinagtutuunan din natin ng kaukulang pansin ang mga kabataan na naharap din sa kani-kanilang mga problema sa loob ng dalawang taong pananalanta ng COVID-19.

Bukod sa mga ito, naging abala rin tayo sa pagsusulong ng mga panukalang batas na may kinalaman sa digital tranformation. Malaki ang tiwala natin na dapat itong maging permanente upang maihanda ang sambayanan at ang buong bansa sa ganitong sistema na posibleng mangyari sa mga darating na panahon. Sa pakikipagpulong natin sa iba’t ibang pribadong sektor at government agencies, maging sila ay pabor na maihanda tayong lahat sa digital transformation dahil tiyak na ito talaga ang kakaharapin ng mundo sa mga susunod na taon.

Kabilang po sa mga itinutulak nating panukala ngayon na may kinalaman sa digital transformation ang SBN 1470: National Digital Transformation Act; SBN 1472: eHealth System and Services Act; SBN 1764: Use of Digital Payments Act; SBN 1943: Information and Communications Technology Officer Act; SBN 1944: Science and Technology Parks Act; at SBN 1834: Philippine Digital Workforce Competitiveness Act.

Nakalulungkot man na isa lamang sa mga panukalang ‘yan ang inaprubahan sa pinal na pagbasa ng Senado — ang Philippine Digital Workforce Competitiveness Act — naging paborable naman ang pag-adopt dito ng Kamara at nanguna na sila sa pagpapadala nito sa tanggapan ng Pangulo upang sa lalong madaling panahon ay maisabatas.

Layunin po ng panukalang ito na maging daan upang ma-develop ang digital workforce at masigurong may laban ang mga Pilipino sa pagsabak sa 21st century skills.

Batid naman siguro ng lahat kung gaano katindi ng pinagdaanan natin nitong nakaraang dalawang taon dahil sa pandemya. Marami sa atin, nanibago sa tinatawag na “new normal” lalo na sa sistema ng pagtratrabaho. At dahil sa pangyayaring ito, nasabak sa digital skills ang workforce na napilitang mag-work-from-home upang mapangalagaan ang kalusugan.

At bukod diyan, dapat ding matutunan ngayon ng mga Pilipino na hulmahin ang kanilang mga kaalaman at pag-aralan ang ibang skills para mas maging competitive sila sa trabaho.

Sakaling maisabatas, iniaatas ng panukala na itatag ang isang Inter-Agency Council for Development and Competitiveness of Philippine Digital Workforce na pangangasiwaan ng National Economic and Development Authority o NEDA. Ito ang magsisilbing primary planning, coordinating and implementing body sa promotion, deveolopment, enhancement and competitiveness ng digital workforce sa bansa.

At kung tuluyan itong mapagtitibay sa kasalukuyan, malaking tulong ito sa pagpasok ng administrasyong Marcos dahil magiging daan ito upang maisakatupran ang kanilang priority programs, ang digital infrastructure at maisulong ang digital transformation.

Sakaling hindi maipasa sa kasalukuyang Kongreso, muli natin itong isusulong sa susunod na administrasyon sapagkat isa ito sa mahahalagang panukala na magiging malaking kapakinabangan ng Filipino workforce.