PAMAMAHALA SA FICELCO I-TAKE OVER

HIHILINGIN ng Sangguniang Bayan ng Virac sa Catanduanes sa National Electrification Administration (NEA) na makialam na at tuluyang i-take over ang pamamahala sa First Catanduanes Electric Cooperative, Inc. (Ficelco).

Sa isang resolusyon, buong pagkakaisang inaprubahan ng Sangguniang Ba­yan ng Virac kamaka­lawa ng hapon, sa pangu­nguna ni Vice Mayor Arlynn Arcilla, napagkasunduang hilingin ng lokal na pamahalaan sa NEA, na siyang may supervisory authority sa lahat ng electric cooperatives sa bansa, na tuluyan nang makialam sa pamamahala ng Ficelco upang masolusyunan ang matagal ng problema ng lalawigan sa kuryente.

Batay sa Resolution No. 418-2017, naniniwala ang mga miyembro ng Sangguniang Panlalawigan na posibleng ‘iskima’ lamang ng ilang tiwaling indibidwal ang problema sa kuryente na nararanasan ng mga residente, upang takutin ang  government agencies at members-consumers ng Ficelco at palitawing may problema sa kakula­ngan ng suplay ng elektrisidad sa lalawigan, na mag­reresulta upang ma-renew o mapalawig pa ang kontrata ng naturang electric cooperative.

Sa kabila kasi umano ng pagtiyak ng National Power Corporation (NPC) na may sapat na suplay ng kuryente sa Catanduanes, matagal nang nakararanas ng power interruptions ang members-consumers ng Ficelco, at patuloy na nagpapalabas ng mga power interruption advisories ang naturang electric cooperative.

Lalo pa umanong lumala at dumalas ang mga naturang power interruptions nang mapaso noong Oktubre 17, 2017 ang lease agreements sa pagitan ng NPC at ng Ficelco, gayundin ang sublease agreement ng FICELCO at Catanduanes Power Generation, Inc. (CPGI).

Hiniling naman ng Ficelco na ma-renew ang mga naturang kasunduan, ngunit naninindigan naman ang National Power Board na huwag na itong i-renew pa.

“Whereas, the frequent power interruptions in Catanduanes seems to be a “scheme” being implemented by dubious individuals to scare the different government agencies and the members-consumers of the Ficelco into thinking that there is lack of power in Catanduanes and therefore, paving way for the renewal/extension of the lease and sublease agreements bet­ween NPC and Ficelco; and Ficelco and CPGI, respectively,” bahagi pa ng resolusyon.

Sa idinaos namang 75th regular session noong Disyembre 18, 2017 ng Sangguniang Panlalawigan, isa sa mga miyembro ng Ficelco  Board of Directors ang nagpahayag  na ang hakbang na hilingin sa NEA ang take over ng management ng Ficelco ay kanilang malugod na kinikilala.

“Resolved, as it is hereby resolved, to request the National Electrification Authority (NEA) to take over the management and operations of the First Catanduanes Electric Cooperative, Inc. (Ficelco), to ensure freedom from being influenced by the different parties affected by such take over,” nakasaad sa resolusyon.

Napagkasunduan din na  pagkalooban ng kopya ng naturang resolusyon si Pangulong Rodrigo Duterte, lahat ng miyembro ng Board of Directors at Executive Officers ng NPC at NEA, maging ang tanggapan nina Catanduanes Governor Joseph Cua, Catanduanes Cong­ressman Cesar Sarmiento, at Board of Directors at OIC-General Manager ng Ficelco, gayundin ang lahat ng mga alkalde sa lalawigan. ANA ROSARIO HERNANDEZ

 

 

Comments are closed.