PANAWAGAN NG DOH: MAG-DONATE NG DUGO

NANAWAGAN sa publiko ang Department of Health (DOH) na bo­luntaryong mag-donate ng dugo dahil bukod sa makatutulong na ito sa pagliligtas ng buhay ng tao, ay malaki rin ang magagawa nito upang maging “fit” at “healthy” ang panga­ngatawan.

Partikular na nanawagan si Regional Director Eduardo Janairo sa mga residente ng Calabarzon (Cavite, Laguna, Batangas, Rizal, Quezon) na mag-alay ng kanilang dugo.

“Donate blood, make it a practice, it promotes a healthy lifestyle whilst replenishing our blood supply,” ani Dr. Janairo, sa pagsisimula ng blood donation activity ng mga empleyado sa regional office ng DOH-Calabarzon.

“More blood, more lives will be saved! It enhances the formation of new red blood cells and reduces the risk of getting heart diseases and it also strengthens the body,” aniya pa.

Ang naturang blood letting activity sa regional office ay bahagi ng tuloy-tuloy na adbokasiya at commitment ng DOH na makapagbigay ng ligtas na blood supply at blood products para sa mga pasyenteng nanga­ngailangan ng blood transfusion.

Umaabot sa 35 blood units ang nalikom ng DOH sa naturang blood letting activity.

Sinabi naman ni Janairo na upang maging blood donor, kinakaila­ngang nasa 16 hanggang 65-anyos, na malusog ang pangangatawan, may timbang na 110 pounds (50 kg) at pataas, at nakapasa sa physical, health history at lifestyle assessment sa screening.

Nabatid na ang isang blood donor ay maaaring mag-donate ng dugo kada ika-12 linggo, o ikatlong buwan.

Hindi naman pinapayagang mag-donate ng dugo ang mga buntis, may lagnat, katatapos lamang uminom ng alcoholic beverages, may tattoo, sumailalim sa ear o body piercing o di kaya’y katatapos lamang maoperahan.

Hindi rin maaa­ring mag-donate ng dugo ang mga taong may cancer, cardiac disease, severe lung disease, may hepatitis B at C, infected ng human immunodeficiency virus (HIV), acute immune deficiency syndrome (AIDS) at sexually transmitted disease (STD). ANA ROSARIO HERNANDEZ

Comments are closed.