(Panawagan ng labor groups kay PBBM sa SONA) P150 WAGE BILL SERTIPIKAHANG URGENT

SA GITNA ng ikatlong State of the Nation Address (SONA) ni Presidente Ferdinand Marcos Jr. ay magsasagawa ng kilos-protesta ang mga labor group ngayong Lunes upang hikayatin ang Pangulo na sertipikahan ang panukalang P150 wage hike.

Sa isang panayam sa Super Radyo dzBB, sinabi ni Nagkaisa Labor Coalition spokesperson Renato Magtubo na magtitipon-tipon ang labor groups na nasa ilalim ng National Wage Coalition sa alas-7 ng umaga sa University Avenue sa Diliman, Quezon City.

Ang National Wage Coalition ay binubuo ng Trade Union Congress of the Philippines (TUCP), Kilusang Mayo Uno (KMU), Bukluran ng Manggagawang Pilipino (BMP) at Nagkaisa Labor Coalition.

Sinabi ni Magtubo na magsasagawa sila ng programa bago magmartsa sa Commonwealth Avenue sa Batasang Pambansa kung saan idaraos ang SONA.

“Ang panawagan namin sa SONA, President BBM i-certify mo na ng urgent ang mga wage bill sa Kongreso at kay (House) Speaker (Martin) Romualdez na ipasa na, kasi ang status na ng bills diyan ay sa House of Representative naka-tatlong hearing na ‘yan sa labor committee. Kailangan ng committee report para isalang sa plenaryo,” ayon kay Magtubo.

Aniya, dapat ding tugunan ni Pangulong  Marcos ang kawalan ng regular employment sa bansa at ang pagtaas ng presyo ng goods and services.

Nananawagan ang labor groups kay Pangulong Marcos na sertipikahang urgent ang panukalang batas para sa P150 dagdag sa daily minimum wage ng private workers dahil hindi sapat ang inaprubahang P35 dagdag-sahod.

Inaprubahan kamakailan ng Regional Tripartite Wages and Productivity Board ang P35 pagtaas sa daily minimum wage ng mga manggagawa sa Metro Manila.

Dahil dito, mula P610, ang daily minimum wage ng mga manggagawa sa non-agricultural ay magiging  P645 na.