(Panawagan ng mga bangko sa publiko) PAGBABANTAY VS CYBERATTACKS PAIGTINGIN

NANAWAGAN ang Bankers Association of the Philippines (BAP) sa publiko na paigtingin ang pagbabantay laban sa cyberattacks.

Sa isang statement, pinaalalahanan ni BAP  president Jose Arnulfo ‘Wick’ Veloso ang publiko na huwag magbigay ng sensitibong impormasyon na maaaring magkompromiso sa kanilang accounts.

“Isang paalala: Hindi ka magiging biktima kung hindi mo ibibigay ang iyong personal information, tulad ng One-Time Password (OTP) sa ibang tao. Kapag hindi mo ibibigay ang iyong personal information sa iba, hindi mananakaw ng mga kriminal ang iyong pera mula sa iyong bank accounts,” nakasaad sa statement.

Ang pahayag ay ipinalabas makaraang mapaulat na ilang accounts sa ilalim ng BDO Unibank Inc. ang naging biktima ng fraudulent schemes, na kinilala naman ng bangko.

Sinabi ng BDO na isasauli nito ang mga nawala sa mga apektadong kliyente, at ipagpapatuloy ang pagpapalakas sa kanilang cybersecurity efforts para maprotektahan ang pera ng mga kliyente.

Iniimbestigahan na ng Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP) ang insidente, at masusing nakikipag-ugnayan sa BDO at Union Bank of the Philippines, kung saan umano nailipat ang pondo at ginamit na pambili ng cryptocurrencies.

“Patuloy kaming nagtatrabaho para kayo ay ligtas habang nagbabangko online — halimbawa nito ay ang aming Cybersafe campaign,” sabi ni Veloso.

“Basahin ang mga diyaryo, sundan ang iyong bangko sa Facebook, at panoorin ang iyong mga paboritong social media influencers kung papaano kayo magiging ligtas habang nagbabangko online,” dagdag pa niya.