PANGANIB SA KALUSUGAN NG MGA MANGGAGAWA NGAYONG TAG-ARAW

(Pagpapatuloy…)
KUNG ang isang tao ay dehydrated, makakaramdam siya ng uhaw, pamimitig ng kalamnan, pagkapagal, labis na pagpapawis, pagkahilo at mayroon ding pakiramdam na tila ba nasusuka.

Kailangang siguruhin ng bawat opisina o kompanya na may malinis at ligtas na tubig na maiinom ang lahat sa lahat ng oras. Mabuting ideya rin ang maglunsad ng kampanya upang magpalaganap ng impormasyon sa manggagawa at empleyado na bawasan ang caffeine, asukal at mga inuming may alcohol dahil nakakapagpatindi ng dehydration ang mga ito. Kailangan ding turuan ang lahat tungkol sa mga sintomas na dapat bantayan, kagaya ng dilaw na kulay ng ihi, mabilis na tibok ng puso, at iba pa.

Ang sunburn at pagkabilad sa UV rays ng araw ay kaugnay ng skin cancer, kaya naman dapat na mag-ingat lalo ang mga manggagawang nasa arawan ng mahabang oras. Halimbawa, pwedeng takpan ang balat na nakabilad sa araw sa pamamagitan ng pagsusuot ng sumbrero at sunscreen, paggamit ng payong, pagkakaroon ng mga break, at pag-inom ng maraming tubig.
Ang malinaw ay ito: Nararapat lamang na tandaan ng mga kompanya at organisasyon na may ibang uri ng mga panganib ang hinaharap ng mga manggagawa tuwing tag-araw, lalo na’t napakatindi ng init. Kailangang alam nila kung anu-ano ang mga panganib na ito at kung paano ito tutugunan o haharapin para naman manatiling malusog at produktibo ang mga manggagawa kahit na panahon ng tag-init. I-enjoy natin itong summer, pero mag-ingat tayo upang manatiling malusog at ligtas habang nagtatrabaho o nagbabakasyon.