PANGARAP NA TAGUMPAY NASUNGKIT DAHIL SA TESDA

WALA mang kakayahan ang kanyang mga magulang na mapag-aral siya sa kolehiyo pagka-graduate ng high school, hindi niya pinilit ang mga ito.  Sa halip, naghanap siya ng alternatibong mga paraan upang makapagpatuloy sa pag-aaral.

Hanggang sa marinig ni Benchil Catiloc Baleves, taga-Midsalip, Zambonga del Sur, ang announcement sa radyo kaugnay sa inaalok na scholarship program ng Technical Education and Skills Development Authority (TESDA).

Benchil Catiloc Baleves

Agad na bumiyahe si Benchil ng 80 kilometro mula sa kanilang lugar sa Midsalip patungo sa Southeast Asia Institute of Local Governance (SAILG) sa Pagadian City upang mag-inquire at mag-enroll.

Nagtapos siya sa kursong Computer Hardware Servicing (CHS) NC ll sa SAILG noong 2014.

“Naging TESDA scholar ako noong 2014 sa Southeast Asia Institute of Local Governance (SAILG) sa kursong CHS or Computer Hardware Servicing NC ll,” ayon kay Benchil.

Ang Midsalip ay isa sa mga pinakamahirap na bayan sa bansa na pagsasaka ang pinagkikitaan ng mga nakararaming mamamayan.

Dahil kumikita lamang ang kanyang mga magulang ng P100 kada araw sa pagbebenta ng prutas at kakanin, hindi sila napag-aral na magkakapatid sa kolehiyo.

Pagka-graduate, agad naman siyang nakapasok sa isang computer shop kung saan siya nag-on-the-job training (OJT). Namasukan siya dito sa loob ng dalawang taon at nang makapag-ipon ay itinayo niya ang sariling negosyo na Piso Net Shop.

Para madagdagan ang kanyang kinikita, tumatanggap din siya ng mga computer repair at nagho-home service.

Maliban dito, nagtatrabaho siya bilang cashier at computer technician sa Level 21 Internet Café sa Pagadian City sa kasalukuyan.

Nag-enrol din siya sa kolehiyo subalit hindi niya natapos dahil sa kakula­ngan ng oras at naging busy na siya sa kanyang mga trabaho.

Bilang technical vocational (tech-voc) graduate, labis-labis ang pasasalamat ni Benchil sa tulong ng TESDA dahil unti-unti niyang natutupad ang kanyang mga pangarap sa buhay. Agad siyang nagkaroon ng trabaho at natulungan ang kanyang pamilya partikular ang mga magulang niya para magka-roon ng sari-sari store para sa kanilang kabuhayan.

Ang kuwento nang pagsisikap ni Benchil ay naging TESDA Zamboanga del Sur (Region lX) – Tatak TESDA Video Making Contest Individual Category entry noong 2015.

Sa kasalukuyan, nag-iipon na si Benchil ng budget para sa kanyang pangarap na magkaroon ng sariling internet café sa kanilang lugar.

At bilang technical vocational education and training (TVET) graduate, highly recommended nito ang tech-voc para sa mga kabataan o maging sa si-numang gustong makapagtrabaho nang maaga at gustong makapag-ipon muna para sa pag-aaral sa kolehiyo.

Para sa mga kabataang nangangarap na makapagtapos sa kolehiyo subalit walang kakayahan, ipinayo ni Benchil na, “Wag kayong matakot na mag-try ng mga alternative way, gaya ng pagkuha ng mga tech-voc courses na libreng iniaalok ng TESDA at handa silang tumulong upang mapaganda at mapaunlad ang pamumuhay ng bawat mamamayan lalo na ang mga mahihirap.

“Huwag nating sisihin ang ating mga magulang kung hindi tayo mapag-aral dahil may kasabihan tayo na, “kung gusto, maraming paraan, kung ayaw, maraming dahilan”. Lahat ng gusto mong bagay sa mundo ay makukuha mo kung ikaw ay determinado sa iyong ginagawa,” dagdag ni Banchil.

Comments are closed.