“Poverty is not a hindrance to reach one’s goals in life.”
Ito ang matibay na paniniwala ni Edgardo P. Solano, 24, sa kanyang naging inspirasyon sa pag-abot ng mga pangarap sa buhay, katuwang ang Technical Education and Skills Development Authority (TESDA).
Si Edgardo ay mula sa isang mahirap na pamilya, lima silang magkakapatid at nakatira sa Barangay Dolores, San Fernando City, Pampanga.
Hirap ang kanilang magulang na papag-aralin sila sa kolehiyo dahil ‘di sapat ang kita ng kanyang ama bilang isang self-employed construction foreman at ang kanyang ina ay isang plain housewife.
Batid nito na kung hindi siya magsisipag at magtitiyaga ay hindi siya magtatagumpay, at naisip na ang tanging paraan dito ay makapagtapos siya sa pag-aaral.
Pagka-graduate ng high school, nag-enrol si Edgardo sa Don Honorio Ventura Technological State University (DHVTSU), sa Bacolor, Pampanga sa kursong Electronic Technology.
Gayunpaman, sa kanyang murang edad ay dumating ang pinakamalaking pagsubok sa buhay ni Edgardo nang ma-diagnosed ang kanyang ina na may sakit na cervical cancer. Tulad ng isang mapagmahal na anak, at sa labis nitong pagaalala sa kanyang ina, tumigil ito sa kanyang pag-aaral at naghanap ng trabaho upang makatulong para madagdagan ang maliit na kinikita ng kanilang pamilya at masuportahan ang pagpapagamot sa kanyang ina.
Siya’y natanggap sa trabaho bilang crew sa isang fast food chain sa San Fernando City, Pampanga. Ang kanyang sahod ay ibinibili niya ng gamot at ng mga nutritional na pangangailangan ng inang may sakit na kanser. Maliit na halaga na lamang ang natitira sa kanya para sa pang-araw-araw nitong gastusin sa pagpasok ng trabaho.
Sanay na si Edgardo sa ganitong sitwasyon, hanggang dumating pa ang isang dagok sa kanyang buhay. Na-diagnosed naman ang kanyang kapatid na babae na may ‘advanced colon cancer.’
Dahil hindi sapat ang kanyang kinikita, at sa kagustuhan nitong makatulong na maibsan ang dinadalang sakit ng kanyang mga mahal sa buhay, nanalangin na lamang siya sa Diyos na bigyan sila ng lakas ng loob na tanggapin ang mga nangyayari sa kanilang buhay. Ang kanyang kapatid ay namatay noong Disyembre 2014 na sinundan naman ng kanyang ina makalipas ang anim na buwan.
Bilang beneficiary ng 4Ps ng Department of Social Welfare and Development (DSWD), at sa pang-uudyok na rin ng kanyang ina, umalis siya sa kanyang trabaho at nag-enrol sa Dual Training System (DTS) sa kursong 2-year Consumer Electronics NC ll sa College of Our Lady of Mt. Carmel (COLMC) sa San Fernando City, Pampanga. Natapos ni Edgardo ang kanyang anim na buwan sa dalawang taon nitong kurso sa iskul at ang isa’t kalahating taon ay ginugol nito sa Tom and Joy, Inc. (Tom’s World) sa SM Pampanga sa San Fernando City. Ang Tom’s World ay isa sa mga accredited companies ng COLMC sa Dual Training System sa Consumer Electronics NC ll.
Ang DTS ay isang TESDA Program na pinaghalong in-school at in-plant training alinsunod sa training plan ng magkatuwang na binuo at ipinatutupad ng Technical Vocational Institute(TVI) at ng partner nitong kumpanya na may DTS Accreditation. May natatanggap na allowance na katumbas ng 75% ng daily minimum wage ang trainee mula sa company sa pamamagitan ng school.
Ang Tom’s World ay isang amusement and recreational center na matatagpuan sa iba’t ibang malls sa bansa. Dito niya in-apply ang basic na natutunan mula sa school. Dahil sa in-plant training, higit pang lumawak ang kanyang kaalaman at kasanayan sa larangan ng electronics.
Bahagi ng kanyang training ay mag-repair ng mga unit ng mga nasisirang makina sa Tom’s World at bilang pinaka-bonus, tinuruan at sinanay na rin siya kung paano ang pamamahala rito.
Ang training allowance ay malaking tulong kay Edgardo para matapos niya ang kanyang pag-aaral. Sa uri ng training na kanyang naranasan mula sa school at kumpanya at sa ipinakita nitong pagmamahal at dedikasyon sa kanyang trabaho, siya ay kinuha at naging empleyado ng Tom’s bago pa siya grumadweyt.
Naging operation team leader siya ng Tom’s World sa isang mall sa Pampanga at may posisyon na Assistant Store Manager. Natulungan na rin niyang makapagtapos ng pag-aaral ang kanyang mga kapatid.
Sa kasalukuyan isa na siyang officer-in charge (OIC) ng Tom’s World sa isang mall sa Angeles City.
Kung mabibigyan ng pagkakataon, pangarap parin niyang maipagpatuloy ang kanyang pag-aaral sa kolehiyo. Ngunit sa ngayon ay malabo dahil full time ang kanyang trabaho
“Dream ko talaga na maituloy ang aking pag-aaral sa kolehiyo subalit sa nature ng work ko ngayon, full-time ang trabaho ko, malabo kong magawa,” pahayag ni Edgardo.
Ayon kay Edgardo, habang buhay niyang tatanawing utang na loob sa DTS ng TESDA ang mga tagumpay na naranasan niya, dahil rin dito, naabot niya ang kanyang mga pangarap.
Comments are closed.