PANUKALA SA ENDO NAKABITIN

END ENDO-6

MASUSI pang pinag-aaralan ni Pangulong Rodrigo Duterte kung ibi-veto o hahayaan na mag-lapse into law ang Security of Tenure Bill o ang Anti-Endo Bill.

Ayon kay Pangulong Duterte, kinokonsulta niya muna ang kanyang mga economic ma­nager maging ang mga negos­yante at ang mga ­manggagawa sa bansa.

“Pinag-aralan namin mismo. I have to confer with a lot of people affected. You know this is a — two to tango ‘to eh. So it would affect the employers and of course it would also greatly favor the workers. It’s a catch-22 for me,”  giit pa ng Pangulo.

Sa sandaling maisabatas ang naturang panukala ay inaasahang magbibigay solusyon sa ilegal na kontraktuwa­lisasyon sa mga ­manggagawa.

Ayon sa Pangulo, mahalaga  na isaalang -alang ang mga negos­yante na ­maaaring maapektuhan ng panukalang batas gayundin din ay  maaaring masaktan ang mga ­manggagawa kapag hindi nilagdaan ang panukala.

Isinumite na ng ­Kongreso kay Pangulong Duterte ang Anti-Endo Bill noon pang Hunyo at nakatakdang mag-lapse into law sa Hulyo   27 kapag hindi inaksiyunan ng Punong Ehekutibo.

Una rito ay  umapela ang malalaking grupo ng mga negosyante kay ­Pangulong Duterte na i-veto ang nabanggit na panukala sa pangambang malugi ang kanilang negosyo.

Iginiit pa ng mga negosyante na mayroon nang mga umiiral na batas na nagbibigay proteksiyon sa mga manggagawa sa bansa.

Ang endo o end of contract ay controversial practice sa bansa kung saan pinagtatrabaho ang isang manggagawa ng hindi lalagpas ng anim na buwan at upang maiwasan ang pagbibigay ng mga kaukulang benepisyo na isinasaad sa batas.  EVELYN QUIROZ

Comments are closed.