SA KABILA ng kanyang tagumpay bilang doctor, guro at iba pang kurso na tinapos ni Dr. Norberto M. Teodoro, pinasok din niya ang Technical Education and Skill Development (TESD) program.
Ito ay sa hangaring mapalago pa ang kanyang kaalaman, kabuhayan at makatulong sa mahihirap na mga kabataan lalo na mula sa kanyang tribu na mabigyan sila ng skills training.
Si Dr. Norberto , 67-anyos, isang Lumad na kabilang sa Mansaka Tribe ng Davao, Oriental ay nagsabi na malaki ang naitulong ng technical vocational education and training (TVET) upang umunlad ang kanyang buhay at ng kanyang pamilya.
Taong 2003 unang pumasok si Dr. Norberto sa TESD program nang magpa-assess bilang Competency Assessor para sa health care services, pumasa, at nabigyan ng National Certification (NC) ll.
Kasunod nito, kanyang ipinarehistro sa TESDA bilang Technical Vocational Institution (TVI) ang kanyang ipinatayong school noong 2000 na Mati Medical College (MDC) sa Mati City, Davao Oriental para makapag-alok ng iba’t ibang qualifications ng ahensya.
Kumuha din siya ng iba’t ibang technical-vocational course (tec-voc courses, katunayan holder siya ng siyam na national certification ng TESDA, Caregiving NC ll noong 2013; Health Care Services NC ll, 2014; Bread and Pastry Production NC ll, 2017; Cookery NC ll; Food and Beverage Services NC ll-lll; Housekeeping NC ll-lll. Ito rin ang mga TESDA qualifications na inaalok sa MDC.
Kumuha rin siya ng Trainers Methodology ™ Level l at Certificate of Competency (COC) para maging trainer at assessor sa kanyang paaralan.
Dahil sa pag-unlad ng kanilang kabuhayan dahil sa (tech-voc), ay nakapagpatayo pa siya ng isa pang school, ang Mati Doctors Academy (MDA), (DepEd registered school) kung saan nag-aalok ng senior high school na matatagpuan din sa Mati City, Davao Oriental.
“Malaki ang naitulong sa akin at pamilya ko ang tech-voc dahil lalong umunlad ang aking kaalaman, kabuhayan, nakatulong ako sa maraming kabataan lalo na mula sa aking mga ka-tribu para magkaroon sila ng kasanayan at makakuha ng trabaho,” pahayag ni Dr. Norberto.
Bago siya pumasok sa TESDA isa na siyang matagumpay na physician, guro at hindi tumitigil sa pag-aaral kaya nagkaroon siya ng limang bachelors degree, at postgraduates degree.
Bilang isang Lumad, hindi inaasahan na magkaroon ito ng pormal na edukasyon subalit dahil sa pagiging masipag, matiyaga, determinasyon at pagmamahal sa Panginoon, siya ay nagtagumpay at nalagpasan ang mga hamon sa buhay para matupad ang hangarin na matulungan ang kanyang pamilya at tribu.
‘No read, no write’ ang kanyang mga magulang at ang kanilang kahirapan ang nagtulak kay Dr. Norberto na magsikap upang makapagtapos sa pag-aaral.
Pagkatapos ng Grade 5, namasukan siya ng trabaho at pinag-aral ang kanyang sarili hanggang sa makatapos ng high school noong 1972.
Nang maka-graduate ng high school, sumailalim siya sa 6-month nursing aide training o health care service sa Mati Baptist Hospital at pagkatapos nito ay nagtrabaho siya bilang nursing aide.
Naging stepping stone niya ito upang makapag-aral sa kolehiyo. Lima ang kanyang bachelor degree, unang kinuha niya ay Bachelor of Arts major in General Science noong 1978, BS Library Science, BS in Hotel and Restaurant Management, BS Nursing at BS Midwifery.
Taong 1983, nang magtapos siya ng Doctor of Medicine. Sumunod nito ay Doctor of Philosophy Major in Education noong 2007; Doctor of Public Administration, 2009; Doctor of Business Administration, 2010 at Doctor of Management in Human Resource Management.
Lima din ang kanyang masters degree, Master of Nursing; Master of Science in Education at Master of Midwifery, Master of Science of Clinical Psychology at Master of Guidance Counselor.
Sa kasalukuyan ang kanyang 2 hospital ay mayroong 60 empleyado na karamihan ay graduates din ng kanyang mga paaralan. Umaabot na sa libo-libo ang bilang ng kanilang mga graduate.
Si Dr. Norberto ay isa sa top 10 candidates para 2018 TESDA Idols bilang kinatawan ng Region Xl, Self-Employed Category.
Isang Registered nurse ang kanyang asawa, may apat silang anak. Ang dalawa ay kapwa na doctor, medical student din ang pangatlo at ang bunso ay Grade ll.
“Kung wala pa silang pangkolehiyo, kumuha muna sila ng tech-voc courses dahil malaki ang maitutulong nito sa kanila para makapagkolehiyo tulad ng ginawa ko noon.Dapat silang maging concern, huwag mahiya kung ano ang kanilang pinagmulan, mahirap ka man, ano man ang iyong kulay, kailangan na mag-aral nang mag-aral dahil ang edukasyon lamang ang makatutulong sa iyo at pamilya mo para ma-improve ang inyong buhay. Kung mas marami kang alam, mas marami kang pera. Huwag kalimutan na humingi ng guidance ng Panginoon,” pagtatapos ni Dr. Roberto.
Comments are closed.