(Para matiyak ang sapat na supply ng bigas) P30B-P40B KAILANGAN NG PINAS

BIGAS-14

MANGANGAILANGAN ang incoming administration ni presumptive President Ferdinand ‘Bongbong’ Marcos Jr. ng P30 billion hanggang P40 billion para maiwasan ang napipintong kakulangan sa supply ng bigas sa  second half ng taon dahil sa tumataas na presyo ng fertilizer, ayon sa isang top official ng Department of Agriculture (DA).

Sa panayam sa Dobol B TV, iginiit ni DA Undersecretary Fermin Adriano ang babala ni Agriculture Secretary William Dar na maaaring makaranas ang bansa ng krisis sa pagkain.

Noong Miyerkoles, tinukoy ang mga eksperto, ay nagbabala si Dar na may napipintong krisis sa pagkain dulot ng pagtaas ng presyo ng farm inputs sa  second semester ng 2022, na pinalala ng mga epekto ng COVID-19 pandemic sa ekonomiya, tumataas na presyo ng petrolyo, at Russia-Ukraine crisis.

“Ang food crisis maaaring maramdaman towards the end of the year,” ani Adriano.

“Nagbibigay kami ng warning sa next administration, hindi natin alam kung sasapat ang supply ng bigas sa second half ng taon… Kapag hindi tayo nagbigay ng ayuda sa mga magsasaka para sa fertilizer, baka magkaproblema,” anang opisyal.

Para maiwasan ito ay kailangan, aniya, ng pamahalaan ng P30 billion hanggng P40 billion na pondo para matiyak na magiging sapat ang supply ng bigas sa bansa.

Sinabi ni Adriano na isinusulong ng DA ang produksiyon ng mas maraming buto na ipagkakaloob nang libre sa mga magsasaka.