KAILANGAN ng Pilipinas na mabakunahan ang 22 milyong aso upang mapuksa ang rabies sa buong bansa, ayon kay Agriculture Secretary Francisco Tiu Laurel.
Sinabi ni Tiu Laurel na hihiling ang Department of Agriculture (DA) ng P110 million sa Kongreso para sa pagbili ng anti-rabies vaccines sa 2025.
“Ang sinasabi nila sa akin, for next year, we need P110 million on the vaccine alone, no? Wala pa ‘yung maga-apply, wala pa ‘yung syringe, wala pa ‘yung roll-out ng program. For the vaccine alone,” ani Tiu Laurel.
“Kailangan i-vaccinate is 22 million dogs eh. ‘Yung 22 million dogs, para ma-eradicate ito. Hopefully ma-eradicate. So, we need at least P110 million na budget na kasi yung isang vaccine is almost P500 yata isa,” dagdag pa niya.
Ayon kay Tiu Laurel, kailangang tugunan ang sitwasyon bagama’t hindi pa ito umaabot sa alarming levels.
Sinabi ni Marinduque Provincial Veterinarian Dr Josue Victoria na ang mga bayan ng Boac at Buenavista ay isinailalim sa state of calamity dahil sa maraming kaso ng rabies. Iniulat ni Victoria na libo-libo sa Marinduque ang nakagat ng aso at dalawa ang namatay dahil sa rabies.