(Para sa disaster recovery) Y30–B LOAN DEAL NILAGDAAN NG PH, JAPAN

LUMAGDA ang Pilipinas at Japan noong Lunes sa isang Y30-billion loan agreement na naglalayong tulungan ang disaster-hit areas na mabilis na makabangon mula sa kalamidad.

Nilagdaan nina Budget Secretary Benjamin Diokno at Japan International Cooperation Agency (JICA) Senior Vice President Nakazawa Keiichiro ang loan agreement ng Post Disaster Stand-by Loan Phase 3 sa Tokyo.

Ang pautang ay sumusuporta sa mabilis na pagbangon matapos ang natural disasters sa pamamagitan ng pagsusulong ng policy actions sa disaster risk reduction and management, at pagpapalakas sa disaster preparedness sa pamamagitan ng pagkakaloob ng mga pondo.

Ang loan agreement ay nilagdaan sa 14th Philippines-Japan High-Level Joint Committee Meeting on Infrastructure Development and Economic Cooperation, kung saan nirepaso ng dalawang bansa ang key accomplishments ng kanilang bilateral cooperation.

Ang Japan ang pinakamalaking Official Development Assistance (ODA) provider ng Pilipinas ng loan at grant commitments, na nagkakahalaga ng $12.92 billion — nasa 40.5 percent ng kabuuang ODA portfolio ng bansa.

Pinondohan din ng Japan ang mga pangunahing railway projects sa bansa, tulad ng North-South Commuter Railway Project at Metro Rail Transit (MRT) Line 3 Rehabilitation Project. Sa kabuuan, ang kanilang financing para sa Philippine railway projects ay umabot na sa JPY 394.4 billion.

Kasalukuyan ding sinusuportahan ng JICA ang implementasyon ng 28 ongoing loans sa Philippine government.