MAHIGIT sa 1,000 public utility vehicles (PUVs) ang nakakuha ng special permits para makabiyahe at magsilbing augmentation transport sa inaasahang pagdagsa ng mga commuter sa Holy Week.
Ayon sa Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB), may kabuuang 1,021 PUVs ang nakatanggap na ng special permits hanggang noong Miyerkoles.
Ayon kay LTFRB Chairperson Teofilo Guadiz III, ang ahensiya ay nag-iisyu ng special permits sa mga espesyal na okasyon, kabilang ang Holy Week, upang ma-maximize ang operasyon ng PUVs sa harap ng inaasahang pagdagsa ng mga pasahero na uuwi sa kanilang mga probinsya bago at pagkatapos ng Holy Week.
“This is also to ensure safe and secured travel for our Filipino commuters,” ani Guadiz.
Ayon sa LTFRB, ang special permits ay ipagkakaloob sa mga piling PUVs sa buong bansa hanggang April 14.
Sa layuning matiyak ang maayos at ligtas na pagbiyahe sa Holy Week, ang LTFRB at Land Transportation Office ay magsasagawa ng inspeksiyon sa PUVs sa Paranaque Integrated Terminal Exchange (PITX) sa March 25.
Maglalagay rin ng help desks at magsasagawa ng random checks sa PUVs sa terminal.
Ang LTFRB ay nakaalerto mula March 22 hanggang April 11.
“Nakaalerto po ang LTFRB, kasama po ang ating mga regional offices at may mga nakaantabay po silang angkop na security at safety measures sa kani-kanilang regions,” sabi ni LTFRB spokesperson Celine Pialago.
“So mayroon po tayong deployed LTFRB personnel para sa public assistance po ng ating pasahero,” dagdag pa niya.