PARA TULOY-TULOY ANG GOOD RECORD, TEAM PHILIPPINES DAPAT BIGYAN NG TODO-TODONG SUPORTA SA MGA LALAHUKANG KOMPETISYON

NATAPOS na kamakailan ang 31st SEA Games na ginanap sa Hanoi, Vietnam. At masuwerte namang humakot din tayo ng medalya na umabot sa 226 na kabuuan at nakuha ang ika-4 na overall standing.

Kung ikukumpara natin ang tikas ng Pilipinas noong ginanap ang 22nd SEA Games sa Hanoi, may halos dalawang dekada na ang nakararaan, iba ang gilas natin sa kasalukuyan. Mas brusko. Mas malakas. Lumalaban.

Nitong nakaraang SEA Games, nakakuha tayo ng 26 medalya sa athletics kung saan 5 ang gold, 7 ang silver at 14 ang bronze. Sa gymnastics naman, nakakuha tayo ng 14 medals (7 gold, 4 silver, and 3 bronze), sa dancesport, 12 medals (5 gold, 5 silver, and 2 bronze) at sa wrestling 12 na medalya rin (7 silver and 5 bronze).

Iba ang ipinakitang husay ngayon ng ating mga atleta. Kulang ang mga papuri para ipakita natin sa kanila na ipinagmamalaki natin ang kanilang ipinakitang pagsisikap. Sa opening ceremonies pa lang, nagbadya na ng malaking laban ang Pinas dahil unang sigwa pa lang, umariba na si Francine Padios na kumana agad ng ginto sa Pencak Silat Women’s Artistic Single event.

Ang tagal din nating naging tagtuyot sa medalya at nakapag-break pa tayo ng record, lalo na sa estado ng napakagaling na pole vaulter na si EJ Obiena. Nakapagtala si EJ ng bagong record sa SEA Games men’s pole vault dahil one take lang, 5.46 meters agad ang natalon niya. Ang weightlifter namang si Vanessa Sarno, inungusan niya ang lahat ng SEA Games records sa women’s 71kg event. Sa swimming naman, breaking the record din si Jess Geriane nang matapos niya sa 29.38 seconds lang ang women’s 50-meter backstroke.

Tinapos din ni Chloe Isleta ang gold medal drought ng Pilipinas sa swimming. women’s division. Maging ang Philippine bowling team na binubuo nina Merwin Tan, Patrick Neil Nuqui, Ivan Dominic Malig, and Christian Dychangco, naging daan din para muli tayong magkamit ng medalya sa bowling sa loob ng 11 taong paghihintay. Mas matindi sa Philippine Women’s Football Team dahil 37 taon tayong naghintay nang magkamit ng medalya na naisakatuparan nang talunin ng ating koponan ang Myanmar para sa bronze medal.

Ang Olympian na si Carlos Yulo ay nagpakita ng isa na namang masterclass performance sa gymnastics matapos magwagi ng 5 gold at 2 silver medals.

Iba rin ang ipinakitang galing ng 51-anyos na Army personnel na si Richard Gonzales sa men’s table tennis. Bagaman inabisuhan siya ng Philippine Table Tennis Federation na maaari siyang maging playing coach, mas pinili ni Gonzales na maglaro at hindi naman siya napahiya dahil nasapawan niya sa galing ang mga mas batang players. Kalaunan, nagwagi siya ng silver medal para sa bansa.

Matindi ang karangalang dala nila sa katatapos na SEA Games kaya dapat lang naman na bigyan sila ng pabuya bilang pagkilala sa ipinamalas nilang galing. Ito po ang dahilan kung bakit tumayo tayong sponsor RA 10699 of 2015 kung saan itinaas ang mga matatanggap na incentives ng national athletes and coaches.

Sa ilalim po kasi ng batas na nabanggit, ang mga magwawaging atleta sa SEA Games ay tatanggap ng cash incentives mula sa halagang P60,000 hanggang P300,000, depende sa kanilang napanalunan.

Ang kani-kaniilang coach naman ay tatanggap ng cash incentive na katumbas ng 50 percent ng cash reward na matatanggap ng manlalaro na nagwagi ng anumang medalya (gold, silver, bronze). Ang mga atleta naman na mas naungusan ang dati nilang record sa sports competition ay tatanggap ng cash incentives na idedeklara ng Philippine Sports Commission (PSC).

Kaugnay nito, nag-file din tayo ng panibagong panukala — ang Senate Bill 1225 na mas lalo pang nagpapataas sa cash incentives na ibibigay sa ating mga atleta at coaches. Sa pagpasok ng bagong Kongreso (19th Congress), muli nating isusulong ang panukalang ito sa layuning mas mabigyan natin ng inspirasyon at motibasyon ang ating mga manlalaro at mapanatili ang kanilang momentum sa ipinakita nilang kakaibang gilas nitong katatapos na international competition.

Pero sa kabila ng kasiyahan dahil sa mga naging tagumpay ng ating mga atleta sa SEA Games, may kabiguan din tayong sinapit dito — ang pagkatalo ng Gilas. Mahigit 30 taon tayong naging dominante sa larangang ito — at kilala ang Pilipinas na mabangis sa basketball, pero inabot talaga tayo ng kabiguan sa panahong ito. Magsilbi sana itong “wake up call” sa mga kinauukulan para makabalik naman tayo sa dati nating katayuan sa palakasang ito.

Isa ring naging problema natin sa katatapos na SEA Games ang ‘di pagpasok ng Philippine bodybuilding team sa kompetisyon. Pinagbawalan silang lumahok dahil daw sa kakulangan ng kaukulang akreditasyon.

Ito ang mga usapin na maaaring maresolba sa sandaling maisakatuparan ang panukala nating National Sports Training Center na nakapaloob sa RA 11214. Tayo po ang tumayong pangunahing awtor nito dahil layunin nating makalikha tayo ng world-class venue kung saan, maaaring mahulma ng ating mga manlalaro ang kanilang talento at galing sa pamamagitan ng science-based approach.

Dekalidad ang mga manlalaro at coaches natin – kailangan lang nila ng matinding suporta at mahusay na pagsasanay. Naroon ang kanilang dedikasyon kaya ibigay natin sa kanila ang mga pangangailangang iyon para tuluyan nating maabot ang pangarap nating maging world-class ang ating mga atleta.