“HUWAG kayong magmukhang pera; at masiyahan na kayo sa anumang nasa inyo. Sapagkat sinabi ng Diyos, ‘Hindi kita iiwan ni pababayaan man.’”(Hebreo 13:5)
Ang Diyos ay mapanibughuing Diyos. Siya dapat ang pinakamataas nating pagmamahal. Karapat-dapat siya sa ating pagsamba dahil Siya ang may-likha at may-ari ng lahat ng bagay sa daigdig. Ang utos Niya, “Ang Panginoon mong Diyos ang dapat mong sambahin. At siya lamang ang dapat mong paglingkuran.’” (Mateo 4:10). Ang isa sa pinakamatinding kalaban ng Diyos sa pagmamahal ng tao ay pera. Dahil maraming mabibili ang tao sa pamamagitan ng pera, at dahil maraming klase ng “kaligayahan” ang naibibigay ng kayamanan, kaya tuloy nalilinlang ng pera ang maraming tao. Hindi mapigilan ng tao na magmahal sa pera. Iyan ang dahilan kung bakit sa Bibliya, kapag tinatalakay ang paksa ng pera o kayamanan, laging may kalakip na babala na mag-ingat sa pagmamahal sa mga ito. Ang turo ni Jesus, ang kayamanan ay parang halamang tinik na sumasakal sa Salita ng Diyos na nakatanim sa puso ng mga Kristiyano, kaya tuloy nawawalan sila ng bunga. (Tingnan sa Mateo 13: 22).
Ganito rin ang masaklap na nangyari kay Haring Solomon. Nang tumanda na siya, at naging ubod nang yaman, dahan-dahan siyang nakalimot sa Diyos at nagmahal sa kayamanan. Ang Diyos ang pinagmumulan ng lahat ng mabubuting kaloob, subalit nagsimula na si Solomong tumingin sa kaloob at hindi sa nagkakaloob. Sa pagmamasid ko, mas mainam iyong proseso ng pag-alpas sa kahirapan at pagtanggap ng pagpapala mula sa Diyos kaysa sa estado ng pagyaman mismo. Halos lahat ng mayamang tao, kapag nakapagkamal na ng kayamanan, ay nagiging mapagmataas, mata-pobre, nasisira ang magandang-asal, at nagiging bagot na bagot sa buhay.
Natutukso silang mag-isip na kaya sila yumaman ay dahil sa sarili nilang galing. Ang tingin nila ay hindi na nila kailangan ang Diyos. Nakakalimutan nila na ang Diyos ay ang Siyang nagbigay ng yaman para sana makatulong sila sa gawain ng Diyos at sa mga ilang maralitang karapat-dapat tulungan.
Noong umpisa, si Solomon ay mapagkumbabang humingi ng karunungan mula sa Diyos para mapamahalaan niya nang mabuti ang bayan ng Diyos. Binigyan nga siya ng Diyos ng karunungan at ito ang gumabay sa kanya para yumaman. Subalit nang mayaman na siya, sa kayamanan na siya nakatingin. Nasarapan na siya sa pagpapayaman. Tumpak ang sinabi ng Bibliya na mandaraya ang kayamanan. Isa itong kabalintunaan o mahirap na palaisipan. Karunungan ay galing sa Diyos. Karunungan ay nagbubunga ng kayamanan. Subalit kapag yumaman na, itong kayamanang ito ang sumasakal sa mabuting Salita ng Diyos na nakatanim sa puso.
Ang utos ng Diyos sa mga hari, “Ang isang hari ay huwag dapat magpaparami ng kabayo; huwag magpaparami ng asawa; at huwag magpaparami ng pilak at ginto.” (Tingnan ang Deuteronomio 17:16-17) Ang mga ito ang tumutukso sa mga hari na lumimot sa Diyos at maging mapagmalaki at mapang-abuso sa kapangyarihan. Subalit linabag ni Solomon ang mga utos na ito. Dahil sa karunungan niya, dumami ang kanyang mga ari-arian at kayamanan. Ang timbang ng mga ginto na tinatanggap niya taon-taon ay anim na raan at anim na pu’t anim (666) na tonelada ng ginto. Bukod dito, marami pa siyang kitang tinatanggap mula sa mga mangangalakal na Arabo at mga gobernador ng kanyang mga probinsiya. Nagpagawa siya ng dalawang daang malalaking kalasag na ginto at tatlong daang maliliit na kalasag na ginto na ginawa niyang palamuti sa kanyang mga palasyo.
Nagpagawa rin siya ng isang dakilang trono na nababalutan ng ginto. May anim na hakbang paakyat sa kanyang trono at may labin-dalawang rebultong leon na gawa sa ginto. Lahat ng kanyang inumin at mga kagamitan sa tahanan at mga palasyo ay pawang gawa sa lantay na ginto. Wala siyang gamit na gawa sa pilak sapagkat walang halaga ito noong panahon niya.
Mayroon siyang armada ng mga barko sa pangangalakal. Isang beses sa tatlong taon ay umuuwi sa Israel ang mga barko niya na may dala-dalang mga ginto, garing, matsing at unggoy.
Si Solomon ay naging mas mayaman at marunong kaysa sa lahat ng mga hari sa buong daigdig. Nakiusap ang lahat ng mga hari sa mundo na bumisita sa kanya para mapakinggan ang kanyang karunungan. Bawat taon, ang mga malalaking taong bisita niya ay nagreregalo sa kanya ng mga gamit na gawa sa pilak at ginto, magagarang damit, mga sandatang panggiyera, mga pampalasa sa pagkain, mga kabayo, asno at karwaheng pandigma.
Lumabag si Solomon sa utos ng Diyos; nagparami siya ng mga karwahe at kabayo. Nagkaroon siya ng 1,400 karwahe at 12,000 kabayo; inilagak niya ang mga ito sa mga espesyal na lungsod na imbakan ng mga karwahe, pati na rin sa bayang Jerusalem. Ginawa niya ang pilak na kasing dami ng bato, at ang mga mamahaling punong-cedar na kasing dami ng ordinaryong sikamoro.
Dahil sa pagmamahal sa pera, naging weapons supplier din siya. Inangkat niya ang mga karwahe at pandigmang kabayo mula sa Ehipto at Kuwe at ibinenta ang mga ito sa mga bansa sa hilaga na mahilig sa digmaan kagaya ng mga Heteo at Arameo. Hindi kalugod-lugod sa Diyos ang ganitong negosyo. Para tayo yumaman sa malinis na paraan, huwag tayong magmamahal sa pera.
vvv
(Maaari ninyong mapakinggan si T.Rex magturo sa kanyang YouTube Channel “PASSION FOR PERFECTION Inc.” Pakibisita po at mag-subscribe. Salamat.)