KAILAN ba natin mapagtatanto na ang sikreto ng pagyaman ay ang pagtatayo at pagpapatakbo ng isang negosyo?
Negosyo ang paraan para sa malinis na pagyaman. Bakit mayaman ang maraming Tsino sa Filipinas? Kasi mga negosyante sila. Bakit mayaman ang maraming Gujarati sa bansang India? Kasi mga negosyante sila. Bakit mayaman ang maraming Judio sa Estados Unidos at Europa? Kasi mga negosyante sila. Bakit kaunti lang ang mayayamang Filipino? Kasi hindi mahilig magnegosyo ang mga Filipino; mas gusto nila ang maging mga empleyado. Walang masama sa pagiging empleyado; malinis na hanap buhay iyan. Pero bihira ang yumayaman na empleyado lang. Maaari kang maging katamtamang yaman (MIddle Class) kung mahusay kang empleyado.
Kung susuriin natin ang lipunan, pareho-pareho ba ang yaman ng mga tao? Hindi. Ano-ano ang mga klase ng tao sa lipunan sa larangan ng yaman?
Mayroong mayaman (Rich Class), may mahirap, at mayroon ding nasa gitna – ang Middle Class. Bakit mayaman ang mga mayayaman? Ano ba ang pinagkakakitaan nila? Ang karamihan sa kanila ay mga negosyante. Noong nagtrabaho ako sa Dhaka, Bangladesh, nakatira ako sa Gulshan Area. Nagulat akong marami palang mayayaman sa lugar na iyon. Naglalakihan ang mga bahay sa lugar na iyon. Ang Gulshan pala ay ang parang Forbes Park ng Dhaka. Tinanong ko ang tsuper ko, “Bakit naglalakihan ang mga bahay sa lugar na ito? Sagot niya, “Opo, dito po nakatira ang mga mayayaman ng bansang ito.” Tinanong ko siyang muli, “Bakit sila mayayaman?” Nag-isip-isip siya ng ilang sandali, pagkatapos ay sumagot siya, “Kasi po, sila ay mga may-ari ng mga pabrika. Mga negosyante sila.”
Noong nagtatrabaho pa ako sa isang multinational company, lumapit sa akin ang isang manager at nagsabi, “Rex, ‘di ba psychologist ka? Puwede bang tulungan mo ako? Kasi ang anak ko ay pinag-aaral ko sa La Salle. Ang mga barkada niya ay mayayaman at puro de-kotse. Humihingi ng kotse ang anak ko, pero hindi ko kayang bigyan siya. Kulang ang suweldo ko. Ngayon, nagkakaroon ng inferiority complex ang anak ko at nagiging mahiyain at malungkutin siya.”
Tinanong ko siya, “Bakit mayayaman ang mga kaklase ng anak mo?” Sagot niya, “Kasi ang mga magulang nila ay mga negosyante.” Negosyo talaga ang paraan ng pagyaman sa isang lipunang kagaya ng Filipinas.
Mayroon ding ilang yumayaman na hindi naman negosyante. Kadalasan ang mga ito ay yumayaman dahil sila ay tinatawag kong ‘illegal rich’ o ilegal na mayaman. Ang paraan nila ng pagyaman ay korupsiyon, pagnanakaw, panloloko at krimen. Ang ilan sa kanila ay mga drug lord, gambling lord, smuggling lord, prostitution lord, atbp. Ayaw nating gumaya sa mga taong katulad nito. Mga salot sila sa lipunan. Naglalakad sila sa talim ng tabak. Peligroso ang buhay nila. Mayaman nga sila subalit hinahabol sila ng batas. Marami sa kanila ang mamamatay nang bata pa. At sabi ng Bibliya, “Ano ang mapapala ng isang tao kung mapasa kanya man ang buong mundo subalit mawawala naman ang kanyang kaluluwa? Ano ang maibabayad ng isang tao bilang kapalit ng kanyang kaluluwa?” (Mateo 16:26)
Sino naman ang nagiging katamtaman ang yaman (Middle Class) sa lipunan? Kadalasan sila ay mga ‘EEE’ —Employed, educated experts.” Sila ang mga nagtapos ng pag-aaral sa kolehiyo. Mayroon silang maraming kasanayan. Mayroon silang ‘skill’ o kakayahan na ipinagpapalit sa suweldo sa mga may-ari ng kompanya. Kung mayroon mang empleyadong yumaman, kadalasan ito ay dahil sa magaling silang mangasiwa ng pera. Iniipon nila ang malaking bahagi ng kanilang pera at pagkatapos ay ipinupuhunan nila sa mga puhunang maganda ang tubo. Yumaman sila hindi dahil sa pagiging empleyado kundi dahil sa magaling silang mamuhunan ng kanilang ipon at magpaanak ng kanilang pera. Kung mag-isip at kumilos sila, kagayang-kagaya nila ang mga tunay na negosyante.
Sino naman ang nagiging mahirap sa lipunan? Kadalasan sila ang mga ‘UUU’ — Unemployed, underemployed at unemployable. Wala silang trabaho, o patay-sindi ang kanilang trabaho o walang gustong mag-arkila sa kanila dahil hindi wasto ang kanilang attitude o wala silang anumang kakayahan. Paano silang nabubuhay? Umaasa na lang sila sa kahabagan ng kapwa-tao o sa tulong ng gobyerno. Ang iba ay natutuksong gumawa ng krimen. Ang pinakamasaklap ay ang nagbebenta na lamang ng kanilang katawan para makakain. Kailangan nilang maturuan, masanay, at mabigyan ng trabaho.
Isa pang problema sa pamamasukan (employment), hindi mo maipapamana sa iyong mga anak ang iyong trabaho kapag magreretiro ka na. Pagtanda mo sa edad na 60 o 65 taong gulang, pahinhintuin ka na sa trabaho ng kompanya mo, kahit na gusto mo pang magtrabaho. Ang kagandahan ng family business, puwede itong ipamana sa iyong mga anak at susunod na saling-lahi. Maaaring maging “negosyanteng pamilya” ang lahi mo. Kayo ang lumilikha ng trabaho para sa iba; hindi na kayo kailangan maghanap ng trabaho.
vvv
(Maaari ninyong mapakinggan si T.Rex magturo sa kanyang YouTube Channel “PASSION FOR PERFECTION Inc.” Pakibisita po at mag-subscribe. Salamat.)
Comments are closed.