PARAGUA, FRAYNA SASABAK SA 2023 FIDE WOLRD CUP

MAPAPALABAN sina Grandmaster Mark Paragua at Woman Grandmaster Janelle Mae Frayna sa 2023 FIDE World Cup sa Baku, Azerbaijan sa Hulyo 29 hanggang Agosto 25.

Si Paragua na nakabase sa New York, USA ay nasa kanyang ika-4 na Men’s World Cup stint matapos noong 2005, 2011, at 2013.

“I hope to do well in this event,” sabi ni Paragua, ang 2003 Vietnam Southeast Asian Games most bemedalled athlete na nagwagi ng tatlong gold medals.

Nakuha ng tubong Marilao, Bulacan na si Paragua ang kanyang pinakamatikas na resulta noong 2005 nang pabagsakin si Armenian GM Sergei Movsesian ngunit sumuko kay Russian GM Alexey Dreev sa ikalawang round.

Samantala, ang nag-iisang WGM ng Pilipinas na si Frayna ay kabilang sa 103-woman field sa single round elimination tournament, kung saan magku-qualify ang top 3 finishers sa 2024 Women’s Candidates.

Target ni Frayna, na nakapasok sa World Cup matapos makopo ang ika-18 puwesto sa 2022 World Chess Olympiad, na makumpleto ang 2400 rating requirement at maging unang babaeng International Master ng bansa.

Ito ang ikalawang paglahok ni Frayna sa World Cup matapos ang kanyang unang round na pagkatalo kay Vietnamese-Hungarian GM Hoang Than Trang noong 2021 edition.

-MARLON BERNARDINO