PARIS OLYMPICS TARGET NG PH FENCERS

Si dating national coach Rolando ‘Amat’ Canlas Jr kasama ang mga nagwagi sa 1st Burlington Inter-Club International Challenge.   PSA PHOTO

 

SINABI ni dating national coach Rolando “Amat” Canlas Jr. na sa likod ng kasalukuyang grupo ng mga batang fencer ay malaki ang posibilidad na makapasok ang mga ito sa Olympics.

Gayunman, para magawa ito, kailangan aniyang magkaroon ng matatag na programa simula sa grassroots level hanggang sa national team upang makapaglaro ang mga Pilipino sa sport sa Olympics.

“Dapat talaga maging consistent tayo sa programa, umpisa pa lang sa grassroots level, ganitong age group that’s why we have this kind of tournament na gusto natin palakasin,” pahayag ni Canlas sa Philippine Sportswriters Association (PSA) Forum sa Philippine Sports Commission (PSC) Conference Hall sa Manila kamakailan.

“If we have a solid program for the grassroots, lalakas ang mga bata and one to two years nasa national team sila. From there we have the Southeast Asian (SEA) Games and the Asian Games. Lahat naman ng mga fencers pangarap ang makapasok sa Olympics,” dagdag pa niya.

Iyan ang eksaktong ginagawa ni Canlas sa pamamagitan ng kanyang Canlas Fencing club, na nag-organisa ng matagumpay na 1st Burlington Inter-Club International Challenge na idinaos noong nakaraang linggo sa Alabang Town Center sa Muntinlupa City.

Apat na miyembro ng national team, sa pangunguna ni Noelito Jose, ang sumabak sa World Championships sa Italy, isa sa qualifying meets para sa Paris Games, noong nakaraang buwan.

Sasabak si Jose at ang iba pang fencers, at pisibleng si Samantha Catantan, na nagpapagaling sa kaliwang ACL injury na kanyang tinamo sa Cambodia SEA Games noong Mayo, sa Asian Olympic Qualifying Tournament (OQT) sa April 2024.

Si Walter Torres, commissioner ngayon ng PSC, ang huling Filipino fencer na sumabak sa Olympics sa 1992 Barcelona Games sa Spain. Nakakuha siya noon ng automatic spot makaraang magwagi ng gold medal sa SEA Games.

Sa kasalukuyan, ang mga fencer sa buong mundo ay kailangang dumaan sa qualifiers para makakuha ng ranking FIE points.

“As a fencer ‘yan talaga ang pinaka-goal namin, makapaglaro sa Olympics,” pahayag ni Catantan, 13, kapatid nina national team members Samantha at Ysah na nagwagi ng 4 gold medals sa Burlington International bilang kinatawan ng University of the East and Canlas Fencing.

Bukod kay Canlas, bumisita rin sa forum sina Louis Shoemaker ng UE/CF, Antonio Manuel ng Paref/CF, Faber Cabrera ng Ateneo/CF, Enrico Fuentes ng Southridge/CF, Meagan Co Say ng Republic Fencing, Miyake Capina ng De La Salle Zobel, Zoe Atilano ng CF at Nina Canlas ng UE/CF.

-CLYDE MARIANO