MAY kabuuang 16 players ang dumalo sa unang ensayo ng Gilas Pilipinas magmula nang bumalik mula sa European training camp ng koponan.
Makaraang hindi makasama sa koponan sa Estonia at Lithuania, sina Bobby Ray Parks, Calvin Oftana, at Roger Pogoy ay balik-Gilas at nag-ensayo kasama ang iba pang miyembro ng training pool noong Huwebes ng gabi sa Meralco gym.
Sina Parks (wrist), Pogoy (fractured hand), at Oftana (calf strain) ay nagpapagaling sa kanilang injuries at nagpaiwan nang sumalang ang Gilas sa three-week training camp bilang paghahanda para sa nalalapit na FIBA World Cup.
Ang malaking bilang ng attendees sa kabila ng malakas na pagbuhos ng ulan ay malaking tulong sa national squad, na nagtamo ng injuries sa katauhan nina Scottie Thompson, Dwight Ramos, at AJ Edu nang maglaro ito ng kabuuang anim na tune-up games sa Estonia at Lithunia.
Subalit sina Ramos at Edu ay dumating sa two-hour practice kasama sina June Mar Fajardo, CJ Perez, Jamie Malonzo, Japeth Aguilar, Poy Erram, Thirdy Ravena, Rhenz Abando, Kiefer Ravena, Chris Newsome, at naturalized players Ange Kouame at Justin Brownlee.
Tanging si Scottie Thompson, kasama sina Kai Sotto at Jordan Clarkson – na kapwa nasa ibang bansa – ang lumiban.
Ayon kay coach Chot Reyes, ang 5-on-5 scrimmages ay magsisimula sa susunod na ensayo ng koponan.
“We have 16 players (now).
Ang hindi lang naman nakakalaro si Roger (Pogoy). So we have 3 sets of five. OK naman din,” sabi ng national coach.
Aniya, si Pogoy ay lumahok lamang sa Gilas shooting drills dahil hindi pa niya kayang tumanggap ng direktang pasa.
Ang Gilas ay mag-eensayo sa bansa sa susunod na dalawang linggo bago umalis patungong China sa August para maglaro sa isang minipocket tournament.