(ni CT SARIGUMBA)
MARAMI sa atin na ipinagdiriwang ang Pasko na malayo sa kani-kanilang pamilya. Nakalu-lungkot mang isipin ngunit hindi natin mababago ang katotohanang dahil sa paghahabol natin ng magandang buhay para sa pamilya, napipilitan tayong magtungo sa ibang lugar o bansa upang doon magtrabaho.
Samantalang ang iba naman, gaya na lang ng estudyante ay sa Metro nag-aaral at dahil sa kakapusan, hindi magawang umuwi sa kani-kanilamg probinsiya ngayong Pasko. Kakulangan sa budget din ang isa sa dahilan kung kaya’t karamihan sa mga empleyado na nagtatrabaho sa lungsod ay napipilitang magdiwang ng Pasko nang mag-isa.
Sa katunayan, marami sa atin ang pinaghahandaan ang Pasko. Malayo pa lamang ito ay nagsisimula ng mag-ipon. Ngunit may ilan na kahit na anong gawing ipon, hindi pa rin sumasapat para makauwi sa probinsiya at makasama ang mga mahal sa buhay.
Kaya naman, sa mga estudyante o nilalang diyan na nagdiriwang ng Pasko na malayo sa kani-kanilang pamilya, narito ang ilan sa simpleng tips na maaaring subukan nang kahit na papaano ay mawala ang lungkot sa puso at mabahiran ito ng kaligayahan:
YAYAIN ANG MGA KAESKUWELA AT KAIBIGANG MAG-PARTY O LUMABAS
Sino pa nga ba naman ang yayayain nating makasama o lumabas kundi ang mga taong nasa ating paligid gaya na lang ng mga kaibigan at kaeskuwela.
Malungkot mang isipin ngunit dumarating talaga ang pagkakataong hindi natin nakakasama ang ating pamilya sa mga nata-tanging okasyon gaya na nga lang ng Pasko. Maaaring trabaho ang dahilan o kaya naman ay ang kawalan ng budget.
At sa mga pagkakataong nalulungkot tayo dahil malayo tayo sa ating pamilya, kadalasan ay sa mga kaibigan tayo tumatakbo o kaya naman, sa ating mga kaeskuwela.
Lahat naman tayo ay paniguradong may mga kaibigan. At sa mga panahon o pagkakataong may espesyal na okasyon at hindi natin kapiling ang ating pamilya, mainam na magplanong lumabas o mag-party kasama ang mga kaibigan at kaklase. Sa ganitong paraan ay maiibsan ang nadaramang lungkot at kahit na papaano ay sisilay ang ngiti sa labi.
Hindi rin naman kailangang mayroong malaking halaga para lang makapag-party kasama ang mga kaibigan. Swak naman kasi ang potluck. Hindi rin naman kailangang mahal ang pagkaing ihahanda o dadalhin, kahit pica-pica lang ay swak na swak na.
Maganda ring option din naman ang pagsisimba sa mga ganitong panahon. Kung malayo ka sa pamilya mo, maaari mong yayain ang mga kaibigan mong magsimba nang mayroon kang makasama.
Kung hindi naman sila available, puwede ka rin namang magsimbang mag-isa.
TAWAGAN ANG PAMILYA O MAG-VIDEO CALL
Isa rin sa magandang gawin kapag malayo sa pamilya ngayong holiday ay ang pagtawag sa mga mahal sa buhay.
Pero kung gusto mo namang masilayan ang pamilya mo kahit sa phone lang, puwedeng-puwede kang mag-video call sa kanila. Siguraduhin lang na mayroon kayong internet nang magawa ito.
Sa pamamagitan din ng pagbi-video call, maiibsan ang lungkot mo at mararamdaman mong malapit ka lang sa kanila. Naka-pagpapasaya rin ito.
PAG-IBAYUHIN PA ANG KAKAYAHAN O TUMUKLAS NG PANIBAGO
Kung ayaw mo namang lumabas kasama ang mga kaibigan, mainam din naman ang pagtigil lang sa bahay. Maaaring magbasa o magsulat nang magkaroon ng mapaglilibangan. Bukod din sa nalilibang tayo kapag nagbabasa o kaya naman nagsusulat, hinahasa rin nito ang ating kaalaman at kakayahan.
Puwede rin namang gamitin ang naturang pagkakataon upang tumuklas ka ng iba pang kakayahan o skill. Malay mo nga naman ay may nakakubli kang kakayahan na bigla mong madiskubre ngayong holiday.
Marami kang puwedeng gawin gaya ng pag-aaral magluto. O kaya naman, puwede kang maghanap ng part time job nang hindi ka mabagot o malungkot.
Magkakapera ka na nga naman, naging makabuluhan pa ang oras mo at panahon.
GAMITIN ANG PAGKAKATAON UPANG MAKAPAG-EHERSISYO AT MAKAPAGPAHINGA
Maaari rin namang magamit ang panahong ito upang makapag-ehersisyo at makapagpahinga.
Sobrang busy nga naman ng maraming estudyante. Nariyan ang kaliwa’t kanang projects at mga kailangang tapusin sa school.
Sa kaabalahan din sa tuwing may pasok, kung minsan ay nakaliligtaan na ng bawat estudyanteng mag-ehersisyo, gayundin ang magpahinga.
Sa rami nga naman ng kailangang gawin, talagang mawawalan na ang kahit na sino ng panahong mag-exercise at makapag-relax.
At kung malayo ka sa pamilya mo ngayong holiday, maaaring gamitin ang nasabing panahon para makapag-ehersisyo nang maging fit at malakas ang katawan. Puwede ka ring magbawi ng lakas sa pamamagitan ng pagpapahinga at pagre-relax.
Kung ating iisipin, malungkot ang mawalay sa pamilya lalo na kapag espesyal ang okasyon.
Gayunpaman, kaysa sa malungkot, gawin nating makabuluhan ang araw o panahon natin. Gumawa tayo ng makabuluhang bagay. Palawakin pa natin ang ating kaalaman at kakayahan. Puwede rin tayong mag-volunteer. (photos mula sa topuniversi-ties.com, juaninoman.com, macleans.ca, collegexpress.com)
Comments are closed.