TILA nagsisimula na nating mapagtagumpayan ang ating laban kontra COVID-19.
Tuluyan na ngang bumaba ang bilang ng mga bagong kaso kada araw. Sa katunayan, noong ika-3 ng Nobyembre ay naitala ang pinakamababang bilang ng bagong kaso ng COVID-19 na nasa 1,591 lamang. Halos dalawang linggo na ring nananatili na mababa sa 10% ang naitalang positivity rate. Kaugnay nito, kamakailan ay naglabas ng desisyon ang Inter-Agency Task Force (IATF) na ibaba na sa Alert Level 2 ang National Capital Region (NCR) mula ika-5 ng Nobyembre hanggang sa ika-21.
Sa ilalim ng Alert Level 2, binibigyan na ng pahintulot ang face-to-face classes para sa lahat ng degree programs hanggang 50% ng kapasidad nito. Ayon kay Commission on Higher Education Chairperson Prospero de Vera III, may tatlong kondisyon na kailangang bigyang konsiderasyon bago magpatupad ng face-to-face classes ang mga paaralan sa mga lugar sa ilalim ng Alert Level 2. Una, kailangan ay mayroon nang bakuna ang mga estudyante, mga guro, at mga empleyado. Sa madaling salita, dapat mataas ang antas ng pagbabakuna ng mga miyembro ng paaralan.
Ayon kay De Vera, tinatayang nasa 73% na ang antas ng mga nabakunahan na guro at empleyado sa mga mataas na paaralan sa bansa. Samantala, ang mga nabakunahan naman na mga mag-aaral ay mas mababa sa 30%. Ibinahagi rin ni De Vera na ang face-to-face classes ay unang pinahintulutan para sa mga nag-aaral ng medisina. Noong Setyembre, pinahintulutan na rin ni Pangulong Rodrigo Duterte ang face-to-face classes para sa mga programang engineering and technology, hospitality management, hotel, and restaurant management, tourism management, marine engineering, at marine transportation sa mga lugar na nasa ilalim ng MGCQ.
Ang mga negosyo ay maaaring magpatuloy ng operasyon na may mas mataas na kapasidad kung ang mga empleyado ay kumpleto na sa bakuna. Kung indoor ang gusali, maaari itong tumanggap ng hanggang 50% ng kapasidad nito. Kung outdoor naman o open air, hanggang 70% ang maaaring tanggapin. Tanging mga indibidwal na kumpleto sa bakuna lamang at mga menor de edad, kahit na ang mga ito ay hindi pa nabigyan ng bakuna, ang maaaring tanggapin sa mga negosyo at gusali.
Napakagandang balita na tila unti-unti na tayong nakababalik sa ating normal na paraan ng pamumuhay. Upang lalo pang paigtingin ang muling pagbubukas ng ating ekonomiya, nagpahayag ng mungkahi si presidential aspirant at Partido Federal ng Pilipinas standard-bearer Ferdinand “Bongbong” Marcos, Jr. o BBM. Aniya, dapat maging handa ang Pilipinas upang makahabol sa pagbangon ng ekonomiya ng ibang bansa. Malaking tulong sa ating pagbangon kung ang Pilipinas ay handang makipagsosyo sa mga ito at mag-angkat ng mga produktong kailangan ng ibang bansa.
Isang magandang halimbawa rito ay ang pagtatanggal ng ban ng pamahalaan ng Australia sa pineapple canned products na mula sa Pilipinas. Ang nasabing ban ay ipinatupad sa loob ng 15 taon kaya’ ang balitang ito ay maituturing na isang tagumpay para sa ating bansa, lalo na sa sektor ng agrikultura.
Kung ang bawat sektor ng ating ekonomiya ay magkakaroon ng magandang istratehiya, ang proposisyon ni BBM ay magiging madali para sa mga ito lalo na’t idineklara na ng Department of Health (DOH) ang Pilipinas bilang low risk sa COVID-19. Kung patuloy na papabor sa atin ang sitwasyon, tayo ay nasa tamang direksiyon kung ekonomiya ang pag-uusapan. Ang “Tawid COVID, Beyond COVID” ni BBM ay tila koleksiyon ng mahuhusay na inisyatiba at istratehiya na naglalayong pagandahin at iangat ang antas ng kabuhayan ng mga Pilipino.
Ayon kay BBM, kailangan talaga nating hanapan ng paraan kung paano makapamumuhay ng normal sa kabila ng pananatili ng COVID-19. Maaaring hindi agad mawawala ang nasabing virus, ngunit ang sitwasyon natin sa kasalukuyan ay patunay na kayang-kaya itong kontrolin basta’t tayo’y nagkakaisa. Nawa’y dinggin din ng pamahalaan ang mungkahi ni Rizal 2nd District Representative Fidel Nograles na aking nabanggit sa aking column noong Martes. Malaking tulong ito sa pagpapaigting ng programa sa pagbabakuna ng ating bansa. Sa pagdagdag ng mga kabataang may edad 12 hanggang 17 taong gulang sa mga maaari nang bigyan ng bakuna, kinakailangan itong tapatan ng karagdagang mga propesyonal na nars upang masiguro na magiging mabilis ang pag-andar ng numero. Sa kasalukuyan, hindi bababa sa 28milyong indibidwal ang kumpleto sa bakuna. Kailangan pa itong paigtingin upang makamit ang bagong target na itinakda ni Pangulong Duterte na 50 milyong inidibidwal na kumpleto sa bakuna ngayong 2021.
Ang ating laban kontra sa pandemyang COVID-19 ay patuloy na humahaba dahil sa pagsulpot ng mga bagong variant. Bagaman bumubuti na ang ating sitwasyon, hindi pa rin tayo dapat makampante. Kailangang siguruhin ng pamahalaan na ang mga istratehiyang kanilang ipinatutupad ay tumutugon sa mga isyung nagsisilbing hadlang sa ating pagkamit ng herd immunity gaya ng kapasidad sa pagbabakuna at sa testing at ang isyu ng vaccine hesitancy sa loob at labas ng NCR. Ito ang susi sa ating muling pagbangon bilang isang nagkakaisang bansa.