PINAYUHAN ni Senadora Cynthia Villar ang pamahalaan na kung ililigtas ang mahigit sa isang libong Pinoy workers sa Wuhan, China dapat tiyakin na hindi sila infected bago iuwi sa Filipinas.
Ito ang naging reaksiyon ni Villar kaugnay sa planong sagipin ng gobyerno ang mahigit na isang libong Pinoy sa nasabing bansa matapos na ipatupad ang lockdown matapos kumalat ang bagong coronavirus.
Nangangamba si Villar na baka makahawa ang mga ililigtas na mga Pinoy sa naturang lugar at kumalat ito sa Filipinas.
Dapat aniyang tiyakin na ma-quarantine agad ang mga magpopositibo sa coronavirus.
Dagdag pa nito, nasa DOLE at DFA na ang desisyon kung dapat ba na i-airlift ang mga Pinoy worker na nakasama sa lockdown sa Wuhan, China.
Samantala, tiniyak ni Senador Christopher Bong Go na mahigpit na mino-monitor ni Pangulong Rodrigo Duterte ang sitwasyon ng mga Filipino sa China partikular sa Wuhan City kung saan sinasabing nagsimula ang novel coronavirus.
Gayunpaman, sinabi ni Go na pag-aaralan pa ang mga panukalang pauwiin sa bansa ang mga Pinoy upang makaiwas sa naturang karamdaman.
Sinabi pa ng senador, mahalagang mayroong thermal scanners sa seaports at airports sa bansa para mapigilan ang posibleng pagpasok ng nCoV.
Pinayuhan din nito ang publiko na panatilihin ang kalinisan sa sarili at sa paligid upang malabanan ang pagkalat ng kinatatakutang sakit.
Binigyang-diin pa ni Go na bilang chairman ng Senate Committee on Health na tiyaking palaging una ang kapakanan ng taumbayan. VICKY CERVALES
MGA EROPLANO IDI-DISINFECT
IPINAG-UTOS ng Manila International Airport Authority (MIAA) sa lahat ng mga aircraft inspector at mga cabin crew ng iba’t ibang international airlines sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA), at may connecting flight sa China, na mag-spray ng disinfection sa loob ng aircraft pagkababa ng mga pasahero, upang mapigilan ang pagkalat ng virus.
Kasabay na inatasan ng MIAA ang mga kawani ng Bureau of Quarantine (BOQ) na magsagawa ng disinfection sa mga international at local carriers para masugpo ang pagkalat sa kinatatakutang virus galing sa China.
Ayon kay MIAA General Manager Ed Monreal, ang disinfection ay isang public health measure na ipinatutupad ng International Health Regulation ng World Health Organization (WHO) na may kinalaman sa insecticide disinfection aerosol sa loob ng eroplano.
Sa kasalukuyan ay aktibo ang mga tauhan ng Quarantine sa pagpapatupad ng ibang procedures para sa disinfection upang pangalagaan ang loob ng aircraft, gamit ang mabilis na insecticide disinfection spray bago mag-boarding.
Napag-usapan ng BOQ at MIAA na bawat arrival ng aircraft ay idi-disinfect muna ang loob ng eroplano ng dalawang porsiyento ng Dphenothrin at dalawang porsiyento ng Permethrin bago bumaba ang mga pasahero at mga cargoes.
Maging ang mga building attendant sa NAIA terminals ay inabisuhan na linisin ang mga luggage conveyor ng multi-purpose cleaner para mapatay ang germs at virus at mapigilan ang pagkalat ng nakamamatay na novel coronavirus. FROILAN MORALLOS
Comments are closed.