MAGHAHARAP agad ang leg winners TNT at Barangay Ginebra sa pagpapatuloy ng PBA 3×3 First Conference Season 3 ngayong Lunes sa Ayala Mall Circuit.
Ang Triple Giga at ang Kings ay nasa Pool A kasama ang Meralco, at magsasalpukan sa opening day ng Leg 4.
Ang TNT-Ginebra duel ay nakatakda sa ala-1:50 ng hapon sa ika-6 sa 13 matches na nakalinya sa unang araw ng pool play. Ang Kings ay naghari sa unang dalawang legs ng conference, ngunit napigilan ng Triple Giga na maging unang koponan na nanalo ng tatlong sunod na leg titles nang sibakin sila sa quarterfinals noong nakaraang linggo, 21-19.
Kinuha ng TNT ang korona nang pataubin ang Pioneer Elastoseal, 17-13.
Ibabalik ng Triple Giga ang trio nina Almond Vosotros, Lervin Flores, at Samboy De Leon, at ipinasok si Ping Exciminiano sa roster kapalit ni Gryann Mendoza. Muling kinuha ng Kings sina Kim Aurin, Ralph Salcedo, at Raphael Cu, at pinalitan si JJ Espanoila ni John Ubalde.
Bilang runner up sa Leg 3, pangungunahan ng Pioneer ang Pool B at sasamahan ng Wilcon Depot, Blackwater Smooth Razor, at NorthPort.
Pangungunahan naman ng Cavitex, third placer sa unang tatlong legs, ang Pool C kasama ang San Miguel, Purefoods, at Terrafirma.
Bubuksan ng Beermen at Titans ang hostilities sa alas-10:30 ng umaga.