SASANDIG ang TNT, Cavitex, at Ginebra sa kanilang Season 3 First Conference Leg titles upang magwagi sa PBA 3×3 Grand Finals.
Ang Triple Giga, Braves, at Gin Kings, na na-split ang anim na legs ng conference sa pagwawagi ng tig-dadalawa, ay pawang paborito na manalo sa Grand Finals ngayong Linggo sa Ayala Malls Market! sa Taguig na may P750,000 grand prize.
Kasama nila sa quarterfinals ang Meralco Bolts, at hinihintay nila ang apat sa anim na koponan na magbabakbakan para makakuha ng ticket sa susunod na round.
Tatampukan ng San Miguel, Blackwater, at NorthPort ang Pool A, habang ang Pool B ay binubuo ng Wilcon, Pioneer, at Terrafirma.
Sa knockout phase, ang top team mula sa Pool A matapos ang group stage ay makakaharap ang Meralco, habang ang number two seed ay makakasagupa ang Legs 1 at 2 winners Ginebra.
Sa Pool B, makakabangga ng first seed ang Legs 4 at 5 titlists Cavitex, at ang second seed ay makakalaban ng Legs 3 at 6 at last year’s Grandslam Champions TNT.
Ang runnerup ay tatanggap ng P200,000, habang ang third placer ay maguuwi ng P100,000.