PBA 3×3 LEG 3 CROWN NASIKWAT NG TNT

TNT

BALIK ang TNT sa champion’s podium ng PBA 3×3 First Conference Season 3 makaraang pataubin ang Pioneer Elastoseal kahapon sa Leg 3 final, 17-13, sa Ayala Mall, Manila Bay.

Hindi nakapasok sa playoffs ng Leg 2 noong nakaraang linggo, ang Triple Giga ay bumawi at kinuha ng quartet nina Almond Vosotros, Lervin Flores, Samboy De Leon, at Gryann Mendoza ang korona at ang P100,000 champion’s purse.

Nahirapan si Vosotros laban sa Katibays nang bumuslo lamang ng 4-of-10 mula sa floor para sa 6 points, subalit nagtuwang sina Flores, De Leon, at Mendoza upang ibigay sa telecommunication franchise ang unang leg crown nito ngayong season makaraang makumpleto ang grand slam noong nakaraang taon.

Tumipa si Wilson Baltazar ng 6 points upang pangunahan ang Pioneer, na nakapasok sa finals sa unang pagkakataon magmula sa opening leg ng Season 2 Third Conference.

Naunang binigo ng TNT ang kampanya ng Barangay Ginebra para sa makasaysayang ikatlong sunod na leg championship nang sibakin ang Kings sa quarterfinals, 21-19.

Nagbuhos si Vosotros ng 12 points nang gapiin ng Triple Giga ang San Miguel, 20-19, upang umabante sa finals.
Naibulsa ng Pioneer ng P50,000 para sa runner-up finish.

Naungusan ng Katibays ang Meralco Bolts sa quarterfinals, 21-19, at ginulantang ang Cavitex sa semis, 19-17, upang maisaayos ang title showdown kontra Triple Giga.

Samantala, nagwagi ang Braves sa duelo para sa third place sa ikatlong sunod na pagkakataon sa likod ng 20-19 victory kontra San Miguel.

Naiuwi ng Cavitex ang P30,000 premyo.

-CLYDE MARIANO

Iskor:
Third place:
Cavitex (20) – Napoles 10, Ighalo 7, Gonzaga 3, Fajardo 0.
San Miguel (19) – Bono 9, Saldua 6, Apacible 3, Lee 1.

Finals:
TNT (17) – Vosotros 6, Flores 4, De Leon 4, Mendoza 3.
Pioneer (13) – Baltazar 6, Morido 4, Abrigo 3, Mocon 0.