PBA COMMISSIONER’S CUP SA OKTUBRE

PBa

MAGKAKAROON ng ilang pagbabago sa iskedyul ng Philippine Basketball Association (PBA) kung saan bubuksan nito ang 48th season sa pamamagitan ng import-laden Commissioner’s Cup sa Oktubre.

Ang liga ay magbubukas sa Oktubre 15 upang magbigay-daan sa 2023 FIBA World Cup at sa Asian Games sa China.

“It’s a sacrifice and a challenge for the PBA, but we’re more than willing to do this in support of Gilas Pilipinas,” pahayag ni PBA chairman Ricky Vargas sa kanilang planning session sa Paris.

Magbabalik din ang Bay Area Dragons sa Commissioner’s Cup, subalit may isang import lamang.

Ang mga import ay may height limit na 6-foot-9 para sa naturang conference.

Pareho rin ang magiging format na may round robin elimination, kung saan ang top eight teams ay aabante sa quarterfinals. Ang top two teams ay bibiyayaan ng twice-to-beat advantages habang ang Nos. 3 hanggang 6 ay maghaharap sa isang best-of-three series.

Ang semifinals ay best-of-five habang ang finals ay best-of-seven.

Kasunod nito ay idaraos ng liga ang Philippine Cup bilang season-ender dahil ang PBA ay magkakaroon lamang ng dalawang conferences para sa nalalapit na season.

Sa planning session ay binigyan din si Willie Marcial ng panibagong three-year extension bilang league commissioner, kung saan magtatapos ang kanyang termino sa 2026-27 season.