PINAPABORAN ang reigning champion EcoOil-La Salle at Marinerong Pilipino-San Beda sa pagsisimula ng kanilang kampanya sa 2024 PBA D-League Aspirants’ Cup laban sa magkahiwalay na katunggali sa Filoil EcoOil Centre ngayong Huwebes sa San Juan.
Sisimulan ng Green Archers ang kanilang three-peat bid sa main game sa alas-7:30 ng gabi laban sa newcomer CCI-Yengskivel matapos ang salpukan ng last season’s runners-up Red Lions at Go Torrakku-St. Clare sa alas-4:30 ng hapon.
Si last year’s MVP Kevin Quiambao ay hindi kasama sa roster ngayong taon subalit nasa Green Archers ang core na nagwagi kapwa sa UAAP at Aspirant’s Cup noong nakaraang taon.
Ipaparada rin ni La Salle coach Topex Robinson sina UAAP 3×3 MVP CJ Austria, Earl Abadam, Joshua David, Raven Cortez at Jonnel Policarpio na pumalit kina Evan Nelle, Mark Nonoy at team captain Ben Phillips.
Naghari ang EcoOil-La Salle sa huling dalawang seasons ng D-League at umaasang masisikwat ng Green Archers ang three-peat.
Ang kanilang unang pagsubok ay kontra Crusaders, na determinadong ipakita na kaya nilang makipagsabayan.
Sisikapin naman ng last year’s runner-up Marinerong Pilipino-San Beda na makabalik sa finals.
Ipaparada rin ni Marinerong Pilipino-San Beda mentor Yuri Escueta ang intact core na pinangungunahan nina NCAA Finals MVP James Payosing, Jomel Puno, Aaron James Royo at Yukien Andrada.
Wala na sa Red Lions si ace guard Jacob Cortez, na lumipat sa La Salle subalit kinuha sina Bryan Sajonia (mula FEU), RC Calimag (mula UP) at Penny Estactio (mula La Salle).
Bagama’t malakas ang lineup ng Marinerong Pilipino, nangako si seasoned tactician Jinino Manansala na bibigyan ito ng kanyang St. Clare unit ng magandang laban.
CLYDE MARIANO