PBA: EXPIRING PLAYER CONTRACTS EXTENDED

Willie Marcial

MAAARING i-extend ng mga koponan sa Philippine Basketball Association (PBA) ang mapapasong kontrata ng kanilang mga player hanggang katapusan ng taon, ayon kay league Commissioner Willie Marcial.

Napag-alaman na ilang players, kabilang sina San Miguel stalwarts Arwind Santos at Alex Cabagnot, ang mapapaso na ang mga kontrata sa Agosto 31.

“Nagdesisyon ang governors na lahat ng players extended hanggang December 31. Option ng team,” wika ni Marcial.

Ang mga kontrata na hindi palalawigin ng kanilang mother teams ay magiging free agents.

“Ngayon pa lang, extended na hanggang December 31. So, suwerte ‘yung mga player, kasi may PBA o wala, suweldo nila hanggang December 31, extended,” sabi pa ni Marcial.

Aniya, ginawa ng PBA Board of Governors ang desisyon upang magkaroon ng kapayapaan ng isipan ang mga player, lalo na ngayong nahaharap ang bansa sa COVID-19 pandemic.

Bukod kina Cabagnot at Santos, ang iba pang players na mapapaso na ang kontrata ay kinabibilangan nina Jeron Teng ng Alaska, Carl Bryan Cruz ng Blackwater, Paolo Taha ng NorthPort, Rome dela Rosa ng Magnolia, John  Pinto at Nico Salva ng Meralco, at Dave Marcelo at Jake Pascual ng Phoenix.

Sinuspinde ng PBA ang lahat ng transaksiyon noong Mayo sa gitna ng pandem­ya, at hindi pa natatalakay ng Board kung kailan ipagpapatuloy ang trades.

Comments are closed.