HUMINGI ng paumanhin si PBA Commissioner Willie Marcial sa fans ng liga makaraang bawalan ang mga ito na manood sa ensayo ng mga koponan.
Ang fans ay dating pinapayagan na manood sa team practices kung saan nakakasalamuha nila ang mga player pagkatapos ng ensayo at nagpapakuha ng litrato at humihingi ng autographs.
Subalit hindi na ngayon dahil sa COVID-19 pandemic.
“Sorry po sa mga fans. Kahit sa mga media,” wika ni Marcial sa PSA Forum noong Martes.
“Hindi kayo puwedeng pumunta sa practices… Talagang hindi puwede, as of now,” dagdag pa niya,
“Sana maintindihan po ninyo na bawal na muna.”
Ang PBA ay pinayagan ng pamahalaan na ipagpatuloy ang team practices nitong Hulyo 3, subalit hinihintay pa ng liga ang official documents mula sa Inter-Agency Task Force (IATF) at sa Games and Amusements Board (GAB) bago opisyal na payagan ang mga koponan na bumalik sa ensayo.
Ang mga player at coach ay kailangan ding sumailalim sa COVID-19 testing bago humalik sa ensayo.
Gagamitin ng bawat koponan ang sarili nilang private practice facility para mabawasan ang panganib na mahawaan o makahawa ng virus.
Dahil bawal ang fans na pisikal na makipag-ugnayan sa kanilang mga paboritong player, plano ng liga na magkaroon ng virtual events para sa mga ito.
“Dire-diretso kami sa online, wala kaming tigil,” ani Marcial. “Patuloy kaming (gagawa) sa online, at madaragdagan pa ngayon.”
Aniya, ikinakasa na ang online skills competition, three-point shootout, at slam dunk contest.
Comments are closed.