INIURONG ng Philippine Basketball Association (PBA) ang pagbubukas ng 48th season nito sa Nobyembre 5 mula Oktubre 15 sa Araneta Coliseum.
Ginawa ng mga opisyal ng liga ang desisyon upang bigyan ng sapat na panahon na makapagpahinga at makarekober ang mga player na mapapabilang sa national team para sa Asian Games.
“Hindi biro ang sakripisyo nila kaya dapat lang bigyan natin sila ng sapat na panahon para makapagpahinga,” paliwanag ni PBA Commissioner Willie Marcial.
“Gusto rin natin makapaghanda ang mga teams para sa darating na season.”
Sa kabila nito, sinabi ni Marcial na tuloy pa rin ang Draft Combine at ang Annual Draft sa iskedyul nito.
Ang Draft Combine ay nakatakda sa Setyembre 12 at 13 sa Gatorade Hoops Center sa Mandaluyong City, habang ang Annual Draft ay gaganapin sa Set. 17 sa Market Market sa Taguig City.
May kabuuang 128 aspirants ang nag-aplay para sa Draft, kabilang ang 31 Fil-foreign players.
-CLYDE MARIANO