MAGIGING abala ang Season 48 para sa PBA.
Isang serye ng mga aktibidad ang magbubukas sa bagong season ng liga simula sa regular rookie draft sa Sept. 17 sa Ayala Malls Market! Market! at magtatapos sa paglarga ng Commissioner’s Cup sa Smart Araneta Coliseum sa Oct. 15.
Sa pagitan, magkakaroon ng Draft Combine sa Gatorade Hoops sa Sept. 12 at 13, isang fun run sa Sept. 24 sa Bridgetown estate sa Pasig, formal presscon sa Oct. 10, at traditional Media Day sa Oct. 12.
Inihayag ni Commisioner Willie Marcial ang calendar of events ng PBA sa kanyang pagbisita sa Philippine Sportswriters Association (PSA) Forum nitong Martes sa conference hall ng Rizal Memorial Sports Complex.
Ang hectic event bago ang season ay inaasahang magpapasimula sa abalang six-month timetable para sa Asia’s pioneering pro league na magdaraos ng dalawa lamang sa halip na regular three conferences nito makaraang i-adjust ang kanilang iskedyul upang magbigay-daan sa kampanya ng Gilas Pilipinas sa FIBA World Cup at sa Asian Games.
“Dire-diretso ang liga aabutin tayo ng April, kasi ‘yung finals ng Commissioner’s Cup matatapos ‘yan ng February.
Then seven to 10 days magsisimula na agad ‘yung Phiippine Cup,” sabi ni Marcial sa session na itinataguyod ng San Miguel Corporation, Philippine Sports Commission, Philippine Olympic Committee, MILO, and the Philippine Amusement at Gaming Corporation (PAGCOR).
Ang Commissioner’s Cup ay magkakaroon ng imports na may height ceiling na 6-foot-9 and below at tatampukan ng nagbabalik na Bay Area Dragons, runner-up sa Barangay Ginebra sa edisyon ng torneo noong nakaraang taon.
Ilang games ang iniiskedyul sa Hong Kong, kung saan naka-base ang Dragons.
“We will have three games sa Hong Kong and meron nang teams kung sino ang maglalaro pero hindi ko pa masabi ngayon dahil nag-uusap pa kami ni Matt Beyer (Bay Area Dragons manager), pero 80 percent sure na yan,” dagdag ni Marcial.
Muling magkakaroon ng out of town matches sa season bilang bahagi ng official games ng liga kasunod ng matagumpay na pagdaraos ng preseason On Tour, kung saan naglaro ang PBA sa Tiaong, Quezon, Baliwag, Bulacan, Batangas City, at Dumaguete City.
Ibinunyag din ni Marcial na 15 lalawigan ang nag-alok na maging host ng PBA games ngayong season, subalit kinokonsidera muna ang mga nakapag-host na sa liga sa On Tour.
“Dahan-dahanin muna natin. Tingnan natin,” anang commissioner.
Bago ang All-Filipino conference, idaraos din ng liga ang All-Star weekend nito sa Bacolod City.
At sa kabila ng abalang calendar, sinabi ni Marcial na patuloy na sinusuportahan ng PBA ang kampanya ng Gilas Pilipinas sa World Cup at Asiad sa Hangzhou, China.
“Patuloy ang suporta natin sa Gilas for the Asian Games. Hindi pa namin alam kung sinong players ang gagamitin ng team, kung yun pa ring Gilas today (for the World Cup) or magbabago pa ng mga players. Depende pa sa usapan with coach Chot (Reyes),” ayon pa sa commissioner.
Ang Asiad ay nakatakda sa Sept. 23 -Oct 8.
-CLYDE MARIANO