PBA TEAMS PUWEDENG MAG-ENSAYO SA ALERT LEVEL 2 AREAS

MAAARING magpatuloy ang PBA ball clubs sa pag-eensayo bagaman sinuspinde ng liga ang mga laro nito sa Governors’ Cup ngayong linggo dahil sa muling pagtaas ng kaso ng COVID-19.

Ayon kay PBA commissioner Willie Marcial, ang mga PBA team ay maaaring mag-training sa mga lugar na nasa ilalim ng Alert Level 2 basta pinayagan sila ng local government units ng nasabing mga lugar.

“Puwede sila mag-practice, (pero) hindi sa NCR,” ani Marcial.

Ang National Capital Region ay nasa ilalim ng Alert Level 3 mula January 3 hanggang 15, dahilan para ipagpaliban ng PBA ang mga laro nito ngayong linggo.

“Puwede silang mag-practice sa Batangas. Pero kailangan pa rin ng permission ng LGUs,” sabi pa ni  Marcial.

“Kailangan magpaalam ka sa LGUs, hindi ka basta-basta puwedeng mag-practice. Magpapaalam at bibigyan ng endorsement.”