NEW YORK, USA “It is our belief that the Philippines is the smart investment choice and the best time to business with us is now
Ito ang naging pahayag ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. nang humarap siya sa mga American investor sa katatapos na Philippine Economic Briefing (PEB) dito.
Pinasalamatan din ng Punong Ehekutibo ang magandang welcoming remarks ni Bank of America Executive Vice Chairman of International Corporate and Investment James Quigley, gayundin ang mga miyembro ng delegasyon, mga investor, guest at mga dumalong private sectors.
“I thank you for your continuing interest in the Philippines which we are touting as with great confidence as Asia’s fastest rising economic star,” panimula ng talumpati ng Pangulo na pinalakpakan ng mga dumalo.
Kumpiyansa si Pangulong Marcos na hindi mapapahiya ang Pilipinas sa mga nais mag-invest dahil maraming oportunidad na matatagpuan at handa rin ang mga Pilipino na tanggapin ang mga ito lalo na’t tutok ang kanyang administrasyon para sa pagpapalakas ng ekonomiya.
Bukas, aniya, ang kanyang administrasyon sa mga oportunidad para sa high-value investments mula domestic at international business communities na nakapokus sa malawak na paglikha ng trabaho, pagpapalawak ng digital infrastructure, research, at pagsulong.
Para mahikayat pa ang mga investor, ibinahagi ni Pangulong Marcos ang plano ng Pilipinas na patatatagin pa ang ekonomiya sa paglikha ng mas malawak na espasyo na isang win-win sharing o parehong kapaki-pakinabang sa investors at sa Pilipinas.
Isa aniyang dahilan kung bakit smart choice ang Pilipinas para sa pamumuhunan ay ang ipinatutupad na Corporate Recovery and Tax Incentives for Enterprises Act (CREATE) at ang economic liberalization measures, gayundin ang pinalawak na espasyo para sa foreign investments na protektado.
Ayon sa Pangulo, hindi na dapat pang magpatumpik-tumpik ang mga investor at samantalahin ang oportunidad sa pagbubukas ng Pilipinas para sa mga investor.
“We have grand opportunities, the timing, the window of opportunities for investment and especially in capital intensive investments in the Philippines which is what we need now. We believe the time is now,” bahagi ng talumpati ng Pangulo.
Isinalarawan pa ng Chief Executive ang Pilipinas bilang “Asia’s fastest-rising economic star” kaya ito ay maaasahan sa international partnership dahil taglay ang macroeconomic fundamentals at may malinaw na hakbang para sa economic recovery at pagpapanatili ng paglago sa kalakalan.
Handa na rin, aniya, ang Pilipinas na makabangon para sa malakas at matatag na ekonomiya mula sa pandemya at nakikita niya ang katatagan nito sa susunod na anim na taon at sa katunayan ay inaasahan na nila na malalampasan ang mga karatig-bansa sa larangan ng kalakalan.
“The country is on its way to a strong recovery from the pandemic and a robust broad-based growth in the next six years. In fact, our projected economic performance in the medium term is expected to surpass our regional neighbors,” dagdag pa ng Pangulo.
Katuwang naman ni Pangulong Marcos ang kanyang economic managers sa pangunguna nina Finance Secretary Benjamin Diokno, Budget Secretary Amenah Pabgandaman, NEDA chief Arsenio Balisacan, Bangko Sentral ng Pilipinas Governor Felipe Medalla at Trade and Industry Secretary Alfredo Pascual sa PEB.
Positibo rin ang Punong Ehekutibo na sa pag-uwi niya ay maraming mamumuhunan sa bansa lalo na’t matagal nang magkaibigan ang Estados Unidos at Pilipinas.
EVELYN QUIROZ