PCG KASADO SA PISTA NG QUIAPO

Commodore Armand Balilo

NAGPAHAYAG ng kahandaan ang pamunuan ng Philippine Coast Guard (PCG) na tumulong at magpaabot ng kinakailangang agapay sa lokal na pamahalaan ng Maynila kaugnay ng isasagawang pagdiriwang ng Kapistahan ng Quiapo at ng Poong Itim na Nazareno.

Ayon kay PCG Spokesperson Commodore Armand Balilo, bagaman walang magaganap na Traslacion ng Poon ng Itim na Nazareno ngayong taon dahil sa pandemya ay naka-standby ang coast guard personnel mula sa National Capital Region (NCR) kung mayroong mangyaring hindi inaasahan.

Aniya, kada taon ay katuwang ang PCG ng Simbahan ng Quiapo at mga kapulisan para lamang maging maayos ang pagdiriwang ng kapistahan ng Poong Nazareno.

Ang mga PCG personnel ay idinideploy sa Pasig River, Manila Bay at iba pang lugar na ruta ng Traslacion pero dahil may pandemya ay iba na ang magiging sitwasyon ngayon ngunit nakahanda pa rin ang PCG na tumulong sakaling hilingin ng pamunuan ng Quiapo Church.

Sinabi ni Balilo na may direktiba na si PCG Commandant Admiral George Ursabia na kapag nagrequest o humiling ang pamunuan ng Quiapo Church ng mga tao at assets ay agad silang tutugon. PAUL ROLDAN

Comments are closed.